Out-of-school, target para sa tamang ensayo at big break

Pagtulong sa mga kabataan sa pamamagitan ng sports lalo na sa out-of-school youth ang target hindi lang kampeonato ang asam ng Arceegee Basketball team.
“Bago pa man pumasok ang Arceegee sa sports, alam na namin kaagad ang aming layunin na makatulong sa mga kabataan, lalo na sa mga out-of-school youth,” pahayag ni Arceegee Sportswear team owner-manager Rinbert Galarde sa kanilang pagdalo sa weekly TOPS “Usapang Sports” sa National Press Club sa Intramuros.
“Maraming magagaling na players sa atin na kailangan lamang na mabigyan ng tamang break. Yung makatulong tayo sa kanila ay malaking bagay na,” dagdag niya sa lingguhang forum na itinataguyod din ng Community Basketball Association.
Kasamang dumalo ni Galarde sina Arceegee coach Ricky Ricafuente at mga players na sina Jetro Villanueva, Kristan Amurao, Raphael Flores at Romie Rodriguez, na nagwagi sa nakalipas na Milcu GotSkills basketball tournament. “Malaki ang potensiyal ng mga players namin ngayon. Sa tamang patnubay malayo ang mararating ng mga ito,” pahayag ni Ricafuente, na kung ilang ulit na ring kinatawan ang bansa sa mga international tournaments bago tuluyang naging coach.
Kapwa naniniwala sina Galarde at Ricafuente na mas marami pang players ang kanilang natutulungan at mas maraming kampeonato ang kanilang masusungkit sa darating na taon. “Kumpiyansa ako na mas magiging matagumpay ang Arceegee, na ngayon ay marami nang natatanggp na imbitasyon sa iba’t ibang liga,” anunsiyo pa ni Galarde, na siya ring team owner ng Malabon squad sa CBA 2nd Conference.





Comments