Ceres, Stallions Kaya at Mendiola sa semis na
- A. Servinio
- Nov 8, 2019
- 2 min read

Buo na ang ang apat na semifinalist ng 2019 Copa Paulino Alcantara matapos ang huling tatlong laro noong Miyerkoles. Pangungunahan ng defending champion Kaya Iloilo ang mga koponan matapos ang kanilang tabla sa Stallion Laguna, 1-1, sa Biñan Football Stadium.
Sa iba pang resulta, humabol ang Mendiola 1991 sa second half upang maisalba ang tabla sa Young Azkals, 2-2, at maagaw ang ikalawa at huling puwesto sa Grupo A. Kasabay ng laro sa Aboitiz Pitch sa Lipa City, tinambakan ng Ceres Negros ang Green Archers United upang masiguro ang numero sa unong puwesto sa Grupo A, 4-0.
Maganda ang simula ng Young Azkals at lumamang agad matapos ang dalawang maagang goal ni Chima Ozuka, 2-0. Subalit nanaig ang mga beterano ng Mendiola at pinasok ni Hamed Hajimahdi ang bola bago mag-halftime at kinompleto ni Jim Ashley Flores ang pagbabalik ng Mendiola sa ika-69 minuto.
Nakauna si James Younghusband para sa Ceres sa ika-18 minuto at sinundan ito ng tatlong goal sa second half galing kay Mike Ott (69’), Charles Barberan (79’) at Robert Lopez Mendy (81’). Gustong bumawi ng kasalukuyang Philippine Football League champions matapos hindi makapasok sa semifinals sa unang edisyon ng Copa noong 2018.
Kahit anong mangyari ay pasok na ang Kaya at Stallion matapos nilang parehong talunin ang Philippine Air Force sa kanilang unang laro.
Nagising ang dalawang koponan sa second half at pinasok ni Jayson Panhay ng Kaya ang bola sa ika-59 minuto subalit sinagot ito ng free kick ni Koichi Belgira sa ika-73 minuto para itakda ang tabla. Maghaharap sa semis sa Nob. 10 ang Ceres kontra Stallion at Kaya laban sa Mendiola. Ang mga magwawagi ay tutuloy sa Championship sa Nob. 16 at ang kampeon ay kakatawanin ang Pilipinas sa 2020 AFC Cup.





Comments