Isa na lang sa Cool Smashers at Perlas Spikers sa PVL finals

Naitakas ng Creamline Cool Smashers ang laro laban sa Petrogazz Angels upang kunin ang panalo sa 25-14, 25-22 at 27-25 para mapalapit sa titulo maging ang BanKo-Perlas spikers kontra sa Motolite sa panalong 25-23, 25-23, 25-18 para makahakbang sa 3rd place podium finish sa Premier Volleyball League season 3 Open Conference, Miyerkules ng hapon sa FilOil Flying V Centre sa San Juan.
Sa tulong nina Gemma Galanza at Alyssa Valdez na may 19 points na nagawa sa laro ay nalipol sa Game 1 ng Creamline ang Angels.
“Kinailangan naming palakasin ang counter attacks, iyon ang lagi naming pinapraktis dahil malakas din ang opponent. Dapat lagi kaming handa at iniisip namin ang susunod na strategies,” saad ni Valdez na kagagaling lamang sa kanyang training sa Japan matapos ang Game 1 final.
Sa parte ng Perlas Spikers, nagtulong-tulong sina veterans Nicole Tiamzon, Kathy Bersola, Dzi Gervacio at Sue Roces para makuha nito ang unang panalo sa best-of-three battle for third.Ninais ng Perlas Spikers na makuha ang panalo matapos hindi makakuha ng podium finish sa nakalipas na Reinforced Conference. “Pinangako po namin sa sarili namin na tatapusin namin itong conference na ito may makukuha kami. Malaki pong tulong iyong mahabang pahinga sa amin,” wika ni Gervacio.
Tumikada si Tiamzon ng 13 points kabilang ang walong excellent receptions habang sina Roces at Gervacio ay nagdagdag ng 11 markers bawat isa. Inilabas si Ella de Jesus sa second set na natamo ang isang foot injury sa kanang bahagi. Ipinamalas ni Bersola ang kanyang matinding depensa sa pamamagitan ng 8 blocks upang tumapos din ng 10 points. Maaaring tapusin na ng Perlas Spikers ang serye sa Sabado.
Kinapos sina Tots Carlos at Myla Pablo para buhatin ang Motolite sa laro na may tig-14 puntos habang nahirapan si Isa Molde na mayroon lamang 7 markers at 13 digs sa Motolite.





Comments