top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

2015 gold medalist Ramirez, babalik sa SEAG Judo Team

  • Gerard Arce
  • Nov 4, 2019
  • 2 min read

Bagamat puro Filipino-Japanese ang inaasahang magdadala ng gintong medalya para sa National Judo Team, umaasa si Myanmar 2013 Southeast Asian Games gold medalist Gilbert Ramirez na malaki ang maiaambag ng mga homegrown athletes sa darating na biennial meet sa bansa.

Muling magbabalik aksiyon ang 36-anyos na 2014 Incheon Asian Games competitor sa under 73kgs Lightweight category matapos huminto bilang national athlete dahil sa naoperahang tuhod noong December, 2015 at tumutok na lamang bilang coach ng pambansang koponan.

Huling nasaksihan ang kahusayan ng Ateneo assistant coach sa 2015 Singapore Games ng mag-uwi ito ng bronze medal sa lightweight division.

Ngayong 30th edisyon ay sasabak ito sa mas mataas na under 81kgs half-middleweight category na iniwan ni 2016 Rio Olympics participant Kodo Nakano dahil sa natamo umano nitong injury.

“Kala ko retired na ko eh pero tingin ko kaya naman, depende na rin sa pairing. Malakas kasi diyan iyong taga-Thailand na gold sa lightweight at defending sa -81kgs ngayon,” pahayag ni Ramirez sa BULGAR na tinukoy ang Japanese-Thai na si Masayuki Terada na paehong gold medalist sa under 73 at under 81 categories.

Ayon kay Ramirez, muling sasandal ang Philippine Judo Federation (PJF) sa mga Filipino-Japanese sa pangunguna ni 2018 Asian Games silver medalist at 3-time gold medal winner Kiyomi Watanabe na ipagtatanggol ang korona sa under 63 kgs half middleweight division.

Aasa rin ang mga ito kina 2017 Kuala Lumpur meet under 70kgs middleweight champion Mariya Takahashi at up-and-coming under 57kgs Lightweight fighter Rena Furukawa.

Makakasama rin ang magkapatid na Shugen at Keisei Nakano na sasabak sa Half-Lightweight (66kgs) at Lightweight (73kgs) categories, ayon sa pagkakasunod, habang pambato sa over 78kgs heavyweight division sina Shin Matsumura at Riyoko Salinas sa men at women division.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page