top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Tulong sa mga biktima ng lindol, ‘wag sanang magaya sa “Yolanda”

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 3, 2019
  • 2 min read

Bigas, tubig, gamot at trapal. Ito ang ilan sa mga nakasulat sa bitbit na placard ng mga nasalanta ng sunud-sunod na lindol sa Mindanao.

Sa mismong highway sa Makilala, Cotabato ay kumakaway at humihingi ng tulong ang mga residente sa mga dumaraang motorista. “Please po tulungan n’yo po kami. Kung sinong may puso, tingnan n’yo na lang po ang kalagayan ng bawat isa na nandito ngayon,” panawagan ng isa sa mga ito.

Bukod sa kawalan ng pagkain, wala rin umano silang maayos na matutuluyan.

Bagama’t, may ilang sasakyan na tumigil para magbigay ng pagkain at pera, walang katiyakan kung hanggang kailan sila mananatili sa kalsada para magmakaawa sa anumang tulong.

Maaaring kabilang sila sa mga residenteng mas piniling manatili sa labas ng evacuation center, bagay na hindi pa malinaw. Gayunman, tinatayang nasa 20,635 naman ang nasa iba’t ibang evacuation centers na naaabutan na ng tulong.

Sa mga ganitong pagkakataon, hindi natin maiwasan na maalala ‘yung tila dobleng trahedya na dinanas noon ng mga na-”Yolanda”. Matapos masalanta ng bagyo ay nabiktima pa ng kapalpakan. Maraming mamamayan ang hindi agad nabigyan ng paunang tulong hanggang sa nabulgar na nabulok lang ‘yung mga relief good na dapat naipamahagi sa kanila. Sa halip na naipamigay, ibinaon sa lupa at walang nakinabang. Malinaw na may kapabayaang nangyari.

Marahil, panahon na para higit na matutukan ang mga ganitong sitwasyon. Tanggapin na natin na ang ating bansa ay isa sa pinaka-disaster prone sa Southeast Asia — madalas tayong hagupitin ng bagyo at yanigin ng lindol.

Panahon na para gawan ng mga paraan kung paano natin ito mapaghahandaan. Maaaring sa pamamagitan ng isinusulong ngayong Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act na daan para makalikha ng Department of Disaster Resilience, ahensiya na agad na tutugon sa mga panahon ng kalamidad.

Gayunman, hindi natin minamaliit ang kakayahan at paglilingkod ng ibang ahensiya tulad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kundi bubuo lang tayo ng isang tanggapan na mangangasiwa at tututok mula sa paghahanda hanggang sa pagbangon ng mga nasasalanta ng iba’t ibang kalamidad.

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page