top of page
FRANKLY - LEA, TODO-BILIB NA WINNER PA RIN ANG FORGOTTEN ISLAND KAHIT NAG-FLOP _IG _msleas

Top 10 Pinoy nakaentra sa FIBA 3X3 Olympic Qualifying

A. Servinio
Nov 3, 2019
2 min read

Nakapasok ang Pilipinas sa FIBA 3X3 Olympic Qualifying Tournament para sa 2020 Tokyo Olympics na gaganapin mula Marso 18 hanggang 22, 2020 sa India. Inilabas ng FIBA ang listahan Biyernes ng gabi sa isang seremonya sa Utsunomiya, Japan kung saan ginaganap din ang FIBA 3X3 World Tour Masters Finals.

Para sa OQT kung saan kukuha ng tatlo sa walong kalahok sa Olympiada, kabilang ang Pilipinas sa Grupo C kasama ang Slovenia, Pransiya, Qatar at Dominican Republic. Sa kasamaang palad, hindi nakasama ang koponan ng kababaihan sa OQT o kahit sa Universality Tournament sa Abril sa Hungary kung saan malalaman ang ika-walo at huling kalahok na bansa.

Dahil sa taas ng kanilang puntos sa FIBA 3X3 World Rankings, pasok na agad sa Olympiada ang Tsina, Rusya at Serbia at Japan bilang punong abala. Ang Rusya, Tsina, Mongolia at Romania ay pasok na sa kababaihan. Ang iba pang nakasama sa OQT ay ang Mongolia, Poland, Brazil, Turkey at España sa Grupo A at Estados Unidos, Lithuania, Belgium, Timog Korea at New Zealand sa Grupo B. Nasa Grupo D ang Netherlands, Latvia, Canada, Croatia at India.

Bilang paghahanda, mas maaga ngayon na magbubukas ang 2020 season ng Chooks To Go Pilipinas 3X3 sa Enero. Ayon sa mga alituntunin ng FIBA, mga manlalaro lang na nasa Top 50 ng Pilipinas ang puwedeng kumatawan sa bansa sa India at dapat dalawa o higit nito ay kasama sa Top 10.

Ayon sa pinakahuling FIBA 3X3 Ranking, ang Top 10 na manlalarong Pinoy ay sina Joshua Munzon, Alvin Pasaol, Leonard Santillan, Karl Dehesa, Troy Rike, Dylan Ababou, Chris de Chavez, Franky Johnson, Roosevelt Adams at Leo de Vera na mga beterano ng unang taon ng Pilipinas 3X3. Gaya nila, lahat ng nasa Top 50 ay pawang mga naglaro din sa mga torneo tulad ng President’s Cup, Patriots Cup, Magiting Cup at ang katatapos lang na Melmac Cup.

Malaki talaga ang na-ambag ng Pilipinas 3X3 sa pamumuno ni Boss Ronald Mascarinas. Mula sa ika-59 noong Enero, unti-unting umangat ang mga Pinoy hanggang umabot sa pinakamataas na antas na ika-20 noong nakaraang linggo kaya napili para sa OQT.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page