top of page
WINNER - LEA, IN-UNFOLLOW SINA RM AT J-HOPE NG BTS, TINAWAG NA CLOUT CHASER NG FANS-IG _ms

Ancajas, kanselado ang title fight

  • Gerard Arce
  • Nov 3, 2019
  • 2 min read

Hindi na matutuloy ang nakatakdang laban ni International Boxing Federation (IBF) junior bantamweight champion Jerwin Ancajas laban kay Mexican challenger Jonathan Rodriguez para sa 12-round title showdown ngayong araw (Linggo ng umaga) sa Carson, California sa Estados Unidos, ayon sa report.

Sa isang statement na inilabas ng Top Rank promotions, nagkaroon umano ng problema sa Visa ang Mexican challenger bago pa man ito magtungo sa Carson kung kaya’t napilitang ikansela ng naturang promotional outfit ang laban dahil sa pagkadelay ng approval nito.

Sinabi sa report ng Philboxing.com na natagalan sa pag-release ng visa si Rodriguez mula sa US Embassy kung kaya’t hindi na ito nakasunod sa medical requirements ng California State Athletic Commission.

Itutulak sana ni Ancajas ang kanyang ika-walong title defense laban sa Mexican fighter matapos nitong makuha ang 115lbs limit, ngunit dahil sa kasawiang-palad ay naudlot ang laban at inanunsyo ng Top Rank na ilipat na lamang ang laban nito sa Dis. 7 sa Puebla, Mexico, kung saan maaaring maging undercard fight ito sa laban ni WBO super-bantamweight champion Emanuel Navarete.

Ayon din sa report, sinabi ni MP Promotions president at international matchmaker Sean Gibbons na maaaring magtungo na lamang sa Las Vegas, Nevada si Ancajas upang ipagpatuloy ang kanyang training camp. Makakasama niya umano roon sina Filipino boxers Johnriel Casimero, Marlon Tapales at Jhack Tepora.

Humingi naman ng dispensa si Ancajas sa social media sa hindi pagkakatuloy ng kanyang laban kay Rodriguez. “Sa lahat po ng sumusuporta sa Team Ancajas, humihingi po kami ng pasensya hindi po matuloy ang laban ko. Hindi ko alam anong dahilan ng camp Rodriguez, ganon pa man pasalamat pa rin kami sa lahat ng sumusuporta sa amin,” pahayag ni Ancajas. “Siguro may mas magandang plano pa ang Panginoon kung ba’t di natuloy ang laban. Muli maraming salamat po,” dagdag nito.

Sinabi rin sa naturang report na walang matatanggap na premyo si Ancajas at hindi pa sigurado kung patuloy pa ring si Rodriguez ang makakalaban nito sa susunod na laban o maghahanap sila ng bagong itatapat nito.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page