Safety first bago selfie sa oras ng lindol
- BULGAR

- Nov 1, 2019
- 2 min read
Muling niyanig ng malakas na lindol ang Mindanao at sunud-sunod pa rin ang mga aftershock.
Kaugnay nito, ipinapanawagan sa publiko na iwasan ang pagkakalat ng fake news dahil pinalalala nito ang sitwasyon. Sa panahon na natutuliro, nababahala at natatakot ang mga tao, mas matindi ang epekto ng maling balita.
Matatandaang, sa nagdaang mga kalamidad, may mga residente na lumilikas dahil sa maling impormasyon. Inakala nilang mangyayari ang mga bagay na kumalat sa text o sa social media. Ang masaklap, may pagkakataon din na inaatake ng sakit ang taong nakatatanggap ng fake news. Tipong ligtas sa kalamidad, patay sa fake news. Nasaan ang konsensiya ng mga taong walang magawa sa buhay?
Gayunman, may mga taong maaaring hindi sadya na makapagpasa ng maling balita. ‘Yung gusto lang sanang makapagbigay ng babala at makatulong.
Kung hindi tayo sigurado sa nabasa o narinig, may mga paraan para ito ay makumpirma. Tulad sa social media, dapat nating alamin ang official social media account ng mga ahensiya ng gobyerno at ng mga naghahatid ng balita. Maaari ring direktang magtanong sa mga kinauukulan, sa ating mga opisyal ng barangay o sa munisipyo.
At sana rin, kapag nagaganap ang lindol, unahin nating iligtas ang ating sarili at ang ating kapwa bago mag-selfie o kuhanan ng video ang kaganapan.
Samantala, umaasa tayong magiging mabilis ang pagsaklolo sa mga biktima ng lindol. May mga buhay nang nawala at mga kabuhayang nawasak. Masakit dahil magpa-Pasko pa naman, pero ‘ika nga, traydor ang lindol, hindi natin alam kung kailan aatake at ang tanging magagawa na lang ay ang muling bumangon at matuto mula sa mga pagguho.
At dapat maging aral na rin sa lahat na panahon na para higpitan ang pagpapatupad ng National Building Code o baka kailangan nang itaas ang building standard ng bansa para wala nang paaralan, ospital, condominium at iba pang gusali na basta na lang bumibigay sa lindol at iba pang mga kalamidad.
Higit sa lahat, pag-aralan na ring mas pabigatin ang parusa sa mga hindi sumusunod sa batas para matuto.





Comments