top of page
FRANKLY - LEA, TODO-BILIB NA WINNER PA RIN ANG FORGOTTEN ISLAND KAHIT NAG-FLOP _IG _msleas

UP, 2nd seed at may twice-to-beat; Manzo, UAAP player of the week

VA
Oct 29, 2019
2 min read

Nakapagtala ng panibagong pahina sa aklat ng kasaysayan ang University of the Philippines kasabay ng pananatili nila sa kontensiyon sa ginaganap na UAAP Season 82 Men’s Basketball Tournament.

Sa kanilang itinalang panalo kontra De La Salle noong Linggo, naangkin ng Fighting Maroons ang second-seed na may kaakibat na twice-to-beat advantage sa unang pagkakataon mula nang ilunsad ang Final 4 format sa liga.

Maliban dito, nagawa rin nilang mapatalsik ang Green Archers at binigong umabot ng semifinals sa ikalawang sunod na season.

At isa sa dapat na pasalamatan ng UP para sa lahat ng ito ang liderato at backcourt brilliance na ipinamalas ni Jun Manzo.

Sa kanilang nakaraang dalawang panalo nagtala si Manzo ng average na 12.5 puntos, 5.0 assists at 4.5 rebounds para pamunuan ang Fighting Maroons na naging daan upang siya ang mapili ng Chooks-to-Go Collegiate Press Corps UAAP Player of the Week.

Kontra La Salle, umiskor ang 5-foot-9 Cebuano guard ng 11 puntos, 8 assists at 5 rebounds.

Kahit na malayo ang naitala niyang puntos sa kanyang best scoring output ang kanyang mga assists ang naging susi ng 71-68 na panalo ng Fighting Maroons kontra Green Archers.

Isa na rito ang bounce pass niya kay Kobe Paras na nagresulta sa go-ahead dunk ng huli sa natitirang isang minuto.

“Unang-una, nagpapasalamat kami sa Panginoong Diyos sa ibinigay niyang panalo,” ani Manzo. “Siguro, kaya kami nanalo ngayon is sa dulo, maganda ‘yung execution namin as a team.”

Nauna rito, nagposte ang graduating guard ng 14 puntos, 4 rebounds at 2 assists sa kanilang 80-77 panalo kontra National University. “I just have to give honor to them for being warriors, Bright (Akhuetie), Jun here, and everybody else who contributed should get credit for this,” wika ni UP coach Bo Perasol.

Inungusan ng 22-anyos na playmaker para sa lingguhang citation sina Angelo Kouame ng Ateneo, Rhenz Abando ng UST at Wendell Comboy ng FEU.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page