Ebidensiya supot, ‘Euro Generals’, lusot!

Natatandaan pa ba ninyo ang mga tinaguriang “Euro Generals”?
Sila ‘yung siyam na opisyal ng Philippine National Police (PNP) na inakusahang gumamit ng P10 milyong intelligence fund bilang contingency fund at travel allowance ng PNP delegations sa 77th Interpol General Assembly sa Russia noong 2008.
Ito ay sina dating PNP Comptroller Dir. General Eliseo dela Paz, Deputy Director Generals Emmanuel Carta at Ismael Rafanan, Director Romeo Ricardo, German Doria at Jaime Caringal, Chief Supt. Orlando Pestaño, Sr. Supt. Tomas Rentoy III at Samuel Rodriguez.
Matatandaang, nag-ugat ang kaso nang makumpiska kay Gen. Dela Paz at asawa nito ang may 105,000 euros (P6.9 milyon) at P2.9 milyon na pawang hindi nila idineklara nang magtungo sa Russia ng nasabing taon. Ikinatwiran ni Gen. Dela Paz na ang pera ay travel at contingency fund ng kanilang delegasyon.
At makalipas ang mahigit isang dekada, pinawalansala ng Sandiganbayan ang mga opisyal dahil sa kawalan umano ng sapat na basehan.
Sa 55 pahinang desisyon ng Anti-Graft Court, ang ebidensiya ng prosekusyon kabilang ang circulars ng Commission on Audit (COA) na nagdedetalye sa kung paanong dapat ginagamit ang intelligence fund ay hindi umano nakapagpatunay na ginamit nang mali ng siyam na opisyal ang nasabing pondo.
Kasabay nito, binawi na rin ng Sandiganbayan ang Hold Departure Order laban sa mga akusadong pulis at iniutos ang pagre-release ng kanilang bail bonds.
Hindi maiiwasan na may mga magtaas ng kilay dahil bakit ngayon lang lumabas ang hatol? Bakit ba palaging ‘walang sapat na ebidensiya’ sa malalaking kaso?
Bakit ‘yung maliliit na tao, hindi pa rin naman napatutunayang nagkasala ngunit, halos nabulok at namatay na lang sa kulungan?
Bakit ba kapag nasa posisyon o sikat na celebrity ang sangkot, tila nawawalan ng pangil ang batas?
Napakaraming tanong na ‘bakit’, pero kung mismong Sandiganbayan na nga ang nagdesisyon para absuweltuhin sila, ano pa ba ang magagawa ng taumbayan kundi ang magtanong na lang. Nakakalungkot na katotohanan.





Comments