Krisis sa tubig, tiis-tiis na naman ang taumbayan

Tubig! Nagsimula na ang rotational water service interruptions ng Metro Manila concessionaires dahil sa patuloy na pagbaba ng lebel ng tubig sa Angat at Ipo Dams kung saan aabot sa hanggang 19 na oras ang pagkawala ng tubig sa ilang lugar.
Apektado ang halos lahat ng siyudad sa Metro Manila, gayundin ang ilang bayan sa Cavite, Bulacan at Rizal. Ang service interruptions ay bahagi umano ng paghahanda para sa Summer 2020.
Ibig sabihin nito, pahirapan na naman sa pag-iigib. May mga mapupuyat para mag-abang kung kailan may tubig para makapag-ipon. Apektado rin ang mga negosyong tubig, ang isa sa pangunahing kailangan para makapag-operate tulad ng mga kainan, carwash at laundry shop.
At dahil sa panibagong interruption na ito, pabor din tayo sa panawagan na i-review ang kasunduan sa pagitan ng mga concessionaire at ng ating gobyerno. Hindi nga naman makatarungan na ang mamamayan ang sumalo ng hirap kung hindi nila kayang mag-supply ng tubig.
Pinasok ninyo ang ganyang negosyo, kumikita naman kayo at hindi rin makapalag ang inyong mga kostumer kung kailan kayo magtataas ng singil. Aba, obligasyon naman ninyong magbigay nang maayos na serbisyo!
Sa madaling salita, huwag pumasok sa kontrata kung hindi kaya.
Taun-taon, may summer. Ibig sabihin, taun-taon ding may krisis sa tubig?
Ang anumang bagay na hindi maayos at paulit-ulit nang nangyayari ay hindi na problema kundi kapalpakan at kapabayaan na.
Bago ang pagkain, tubig ang pangunahing pangangailangan ng tao, kaya dapat lang na ayusin nila ang kanilang serbisyo at ‘wag na nilang hintaying magbanta pa ang pangulo.





Comments