Kayod kalabaw pa ang billiards para sa SEAG

Kailangan pang kumayod ng mga pambatong cue artists ng bansa na naghahanda para sa nalalapit na SEA Games.
Ito ang senyales na maaaring ipinararating ang resulta ng mga torneong nilahukan nila sa Asya at sa Amerika kamakailan kung saan wala man lang ni isang nakasampa sa kanila sa podium.
Sa CBSA Miyun 9-Ball International sa Beijing, China, nakalusot sa qualifying stage si 2017 World 9-Ball champion Carlo Biado nang talunin niya ang kababayang si Raymond Faraon (9-5) at si Chinese hopeful Wang Can (9-7) pero hanggang round-of-32 lang umabot ang pamosong Pinoy matapos itong tumiklop sa Intsik na si Xue Zhengi, 8-11 sa unang laro sa knockout rounds.
Isa pang sasandalan ng Pilipinas sa SEAG si Johann Gonzales Chua pero may mapaklang karansan dahil sa dalawang talo sa dalawang laro na natikman sa torneo. Luhod si Chua kay Oi Naoyuki (Japan, 4-9) at Jerico Banares (Pilipinas, 5-9). Bagamat nakasikwat ng panalo laban kay China Open runner-up Anton Raga (9-5), nag-empake na rin si Jeffrey Ignacio nang mabiktima siya nina Hsu Kai Lun ng Taipei (6-9) at ni Singaporean Aloysius Yap (6-9).
Sa kababaihan, nakadalawang panalo sa qualifying rounds si Rubilen Amit nang makaharap niya ang Austrian na si Jasmin Ouschan (7-2) at Chinese Fan Langtong (7-5) at isa sa knockout stage (Wang Xiatong, 9-7) pero pagpapasok sa quarterfinals ay nag-alsa balutan siya dahil sa husay ni Hiraguchi Yuki (7-9). Si two-time SEAG gold medalist Chezka Centeno ay hanggang sa round-of-16 lang nakarating.
Sa Amerika, rumatsada ng mga panalo sa 2019 Predator Cues Steinway 10-Ball Classic sa palaruan ng Steinway Cafe Billiards (Astoria, New York) ang dating world 8-ball champion mula sa Surigao na si Orcullo kontra kina Nick Economopoulos ng Greece sa iskor na 9-4, ang Amerikanong si Michael Yednak ay may 9-3, si Phi Le ng USA ay 9-0 bago pinataob ang pambato ng punong-abala at World Pool Billiards Association (WPA) no. 2 na si Shane Van Boening, 9-6.
Nang muling magharap ang dalawa sa bakbakan para sa pangatlong puwesto, nabawian ni Boening ang Fargo World no. 8 na Pinoy kaya pumang-apat lang si Orcullo. Kasama ni Orcullo sa SEAG - bound na mga manunumbok na sina Biado, Warren “The Warrior” Kiamco, Chua, Ignacio, Amit at Centeno.





Comments