6th championship inangkin ng Pasig sa Melmac Cup
- A. Servinio
- Oct 24, 2019
- 2 min read

Ipinakita ng Pasig Chooks kung bakit sila ang numero unong koponan ng 3X3 sa Pilipinas sa pagsungkit nila sa anim ng walong yugto ng Chooks To Go Pilipinas 3X3 Melmac Cup ng Coca-Cola at Gold’s Gym matapos nilang talunin ang Big Boss Cement Porac, 21-17, para sa kanilang ika-anim na kampeonato sa loob ng walong yugto.
Nagsimula ang torneo noong Okt. 11 at halos araw-araw naglalaro ang mga koponan na ang pangunahing layon ay makalikom ng karagdagang puntos para makalahok ang bansa sa qualifier sa darating na Marso sa India para sa 2020 Tokyo Olympics.
Nagpalakas ng todo ang Pasig para sa torneo at sinamahan sina Joshua Munzon at Dylan Ababou ni Franky Johnson at Troy Riken na parehong lumipat galing ng Phenom Basilan.
Agad ipinakita nina Johnson at Rike na hindi nagkamali ang Pasig at parehong naging malaking susi sa kanilang mga kampeonato na may gantimpalang P100,000 bawat isa.
Kampeon ang Pasig sa mga yugto noong Oktubre 11, 12, 16, 17, 20 at 22. Malaking balita rin ang pag-usbong ng mga baguhan mula sa Porac sa kanilang tagumpay sa dalawang nalalabing yugto noong Oktubre 19 at 21 sa likod ng magkapatid na sina Ryan at Nikki Monteclaro.
Dahil sa tagumpay ng Melmac Cup, nagpasya ang pamunuan ng torneo na magtakda agad ng pangalawang edisyon na sinimulan noong Okt. 23. Susundan ng lima pang yugto sa Okt. 25, 26, 29, 30 at 31.
Sa kalagitnaan ng aksyon ng Melmac Cup, umabot ang Pilipinas sa ika-20 puwesto, ang pinakamataas na antas buhat noong Enero. Biglang binura ng FIBA ang talaan ng puntos ng mga bansa sa kanilang website at ibabalik nalang ito matapos ipamahagi ang mga imbitasyon sa India para lang sa unang 24 na pinakamataas sa FIBA 3X3 World Rankings.
Kahit anong mangyari, tiyak na magiging abala ang Pilipinas 3X3 sa darating na taon kung saan may nakaplanong mga malaking palaro na gaganapin dito tulad ng FIBA World Tour Masters at FIBA Challenger.
Plano din na magpadala ng kinatawan ng bansa sa 20 o higit na pandaigdigang palaro.





Comments