HIV cases, lalong dumami dahil sa social media
- BULGAR

- Oct 23, 2019
- 2 min read
Numero uno na ang Pilipinas sa pinakamabilis ang pagdami ng kaso ng Human Immunodeficiency Virus (HIV) hindi lang sa Asia Pacific kundi sa buong mundo.
Ayon sa Joint United Nations Program on HIV and AIDS (UN AIDS), nakapagtala ng panibagong 13,384 HIV cases noong katapusan ng 2018 na 203 percent na mas mataas kumpara sa naitalang 4,419 cases noong 2010. Gayunman, nananatiling mababa sa absolute number kumpara sa African countries.
Ang HIV ay virus na sumisira sa immune system ng tao. Kapag hindi nakainom ng tamang gamot o napabayaan ng pasyente ang pagkontrol sa virus, ang simpleng sakit ay puwedeng lumala at mauwi sa kamatayan. Sa ulat ng Department of Health (DOH), tinatayang 38 kaso ng (HIV) ang naitatala kada araw sa buong bansa ngayong 2019. Higit na mas mataas kumpara sa 32 kaso kada araw noong nakaraang taon.
Ilan sa mga dahilan ng pagkakaroon ng HIV ay ang pakikipag-sex kung kani-kanino, paggamit ng hiringgilya o injection na nagamit na ng ibang tao, aksidenteng pagsalin ng dugo ng taong may HIV at ang mother-to-child transmission. Sadyang nakababahala ang pagdami ng kaso ng HIV at masasabi nating isa rin ang social media sa maaaring dahilan nito kung saan napapadali ang pagkuha ng sex partners. Nagkalat ang mga ‘online bugaw’ at pabata nang pabata ang mga nagiging parukyano. Isang click lang at kaunting chat, diretso na sa mga sex den. Kaya malaking hamon sa ating gobyerno kung paano babantayan ang social media laban sa ganitong kalakaran.
Siyempre, bago ang gobyerno, tayo sa pamilya ang unang responsable sa isyung ito. Gabayan ang ating mga anak. Alamin ang kanilang mga pinagkakaabalahan at mga kasama kung wala sa bahay.
Samantala, hinihikayat naman ang mga taong natukoy na may HIV na huwag matakot dahil may mga ahensiya o grupo na handang tumulong sa inyo. Walang dapat ipag-alala dahil confidential ang pagpapasuri at maging ang resulta.





Comments