Naka-12 panalo na ang Blue Eagles, 2 games pa!
- VA
- Oct 21, 2019
- 1 min read

Dalawang laro na lang ang kailangang bunuin ng Ateneo upang ganap na mawalis ang eliminations nang makopo ang ika-12 sunod na panalo sa muling paggapi sa UE Red Warriors, 84-50 kahapon sa 2nd round ng UAAP Season 82 Men’s Basketball Tournament sa Ynares Center sa Antipolo. Matapos malamangan sa iskor na 0-4 sa simula ng laban, rumatsada ang Blue Eagles at nagposte ng 17-2 run upang agawin ang lamang na hindi na nila binitawan hanggang matapos ang laban.
Katunayan, mula sa 40-25 na bentahe sa halftime, pinalobo pa nila ito hanggang 36 puntos sa iskor na 82-46. Pinangunahan nina Isaac Go , Thirdy Ravena at Angelo Kouame ang panalo nang tumapos na may 14 at tig-11 puntos.
Nanguna para sa UE na ganap ng namaalam sa kontensiyon para sa Final 4 sa pagbagsak nito sa markang 3-9 si Alex Diakhite na may tig-15 puntos at rebounds.
Sa huling laro, nanatili sa no.2 spot ang UP Fighting matapos bawian ang Adamson sa 81-77 came from behind na panalo.
Naiiwan ng 12 puntos, nag-takeover si skipper Jun Manzo at pinamunuan ang pagbalikwas ng UP hanggang maagaw nila ang bentahe, 76-74 may 2:21 na lang ang nalalabi. Nakalamang pa uli ang Falcons matapos ang isang triple ni Jerom Lastimosa ngunit mabilis nabawi ni Kobe Paras, 1:25 na lang ang natitirang oras sa laro. Tumapos si Manzo na may 17 puntos para UP na umangat sa markang 7-4 habang ibinaba ang Falcons sa kabaligtarang markang 4 -7.





Comments