Chua, Tan at Ong, masusubok sa Asian Tenpin sa Kuwait

Magkakaroon ng pagkakataon ang mga bowlers ng Pilipinas na makita ang estado hindi lang ng kahandaan nila kundi pati na rin ang preparasyon ng mga karibal mula sa Malaysia, Thailand at Singapore para sa nalalapit na 2019 Southeast Asian Games kapag nagkaharap-harap sila sa 25th Asian Tenpin Bowling Championships na idaraos sa Kuwait Bowling Center simula ngayong Martes, Oktubre 22, sa Salmiya, Kuwait.
Babalikatin nina Kenneth Chua, Merwin Tan, Frederick Ong, Patrick Nuqui, Raoul Miranda at Emerson Gotencio ang kampanya ng mga Pinoy sa continental event habang sina Liza Del Rosario, Alexis Sy, Lara Posadas Wong, Rachelle Leon, Lourdes Arles at Dyan Coronacion ang sasandalan ng Pilipinas sa bakbakan sa kababaihan. Si Tan ay panglima sa Asian rankings habang si Posadas-Wong ay nakaupo sa pampitong baytang. Taong 2008 pa nang huling magmarka sa torneo ang Pilipinas dahil sa dalawang ginto (trios, all-events), isang pilak (all events pa rin) at isang tansong (singles) medalya na napagwagian ng Pinoy pintopplers.
Bukod sa Pilipinas, interesado rin sa podium ng singles, doubles, trios, team of 5, all events at masters ang mga malulupit na pintopplers mula sa Malaysia na pamumunuan nina Asian standouts Rafiq Ismail at Ahmad Muaz. Si Ismail ang kasalukuyang pinakamalupit na lalaking bowler sa buong Asya at defending champion sa sagupaang Masters habang nasa pangatlong puwesto sa Asian ranking si Muaz.
Kasama nila sa koponan sina Timmy Tan, Tun Hakim, Syafiq Ridhwan at Muhd Hafiz Zainuddin. Si Tan ang nagtatanggol na kampeon sa men’s singles event. Ang women’s team naman ng Malaysia ay pangungunahan ni Asian no. 5 Jane Sin Li. Hindi rin magpapaiwan sa pagpapakitang-gilas si Thai ace Annop Arromsaranon na pang-apat sa Asian men’s rankings gayundin ang Asian no. 2 lady bowler na si Bernice Lim ng Singapore.





Comments