top of page
Alex Eala at Sandro Marcos - FB.jpg

Angkas bilang public transpo, tiyaking safe bago tuluyang payagan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 18, 2019
  • 2 min read

SA oras ng kaipitan sa malalang trapik, motorsiklo ang takbuhan.

Kasabay ng paglala ng lagay ng trapiko, partikular sa Metro Manila, parami na rin nang parami ang sumasakay sa “habal-habal” o motorcycle for hire. Kumbaga, ito ang taga-rescue sa mga komyuter na inaabot ng aberya sa tren, siksikang bus o sa halos hindi gumagalaw na mga jeep.

Hindi maitatangging malaki ang tulong ng mga ipinapasadang motorsiklo tulad ng Angkas dahil mas napapabilis ang biyahe. ‘Yun nga lang, kailangang magdagdag ng budget sa pamasahe.

Gayunman, batid nating pansamantala lamang na pinayagan ang Angkas. Matatandaang, anim na buwan lamang ang permisong ibinigay dito para mag-operate na nagsimula noong Hunyo 8 bilang pilot o test run. Kumbaga, kailangan pa nitong sumailalim sa pag-aaral kung pahihintulutang magpatuloy.

Unang-una, kailangan siyempreng tiyakin kung safe ba ito bilang pampublikong sasakyan sa kabila ng mga insidenteng kinasasangkutan ng mga nagmomotorsiklo? At sakaling maaksidente, pareho bang insured ang driver at pasahero?

Ganundin ang isyu sa pang-aabuso dahil matatandaang, may naiulat na pasaherong babae na minolestiya umano ng driver at meron ding driver na hinipuan naman ng kanyang pasahero. Sa mga ganitong eksena, may paraan ba para ito ay maiwasan?

Dapat ding magkaroon ng malinaw na batayan pagdating sa pamasahe. Paano kung may dagdag-bawas sa presyo ng gas? Kapag pahirapang sumakay sa sobrang dami ng nagbu-book, hataw din ba ang paniningil?

Kailangan ding bantayan ang mga kolorum. Ngayon pa lang ay nagkalat na ang mga rider na nag-aalok ng sakay sa pamamagitan ng social media. Magpo-post ka lang, puwede ka nang makakuha ng susundo o maghahatid sa mas mababang pamasahe.

Marami pang dapat himayin. At sa loob ng anim na buwan, sana ay matiyak na ng gobyerno na karapat-dapat na ngang gawing legal ang Angkas bilang pampublikong transportasyon, hindi ‘yung kung kelan may mga nangyaring aksidente, may nabiktima o nabuwis na buhay, saka magsisisihan kung sino ang may pagkukulang.

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page