Petecio, handa sa SEAG at world qualifying

Handang-handa na si newly-crowned World Boxing Champion Nesthy Petecio na suntukin ang gintong medalya sa 30th Southeast Asian Games sa bansa simula Nob. 30-Dis 11, gayundin ang isang slot para sa qualifying rounds ng 2020 Tokyo Olympics.
Bitbit ang karangalang natamo mula sa dayuhang bansa, asam ng 27-anyos na tubong Santa Cruz Davao de Sur na ubusin ang mga katunggali sa SEAG boxing event sa Dis. 2-7 sa PICC Forum sa Pasay, City. “Hindi ko po masabi, baka sabihin nila nagyayabang ako, pero gustung-gusto ko pong makuha iyong gold medal sa SEA Games. Dahil sa magandang performance ko sa AIBA, handa na po akong kunin iyon ngayong taon,” pahayag ni Petecio sa press conference sa Century Park Hotel sa Manila, Martes ng gabi, kasama sina Tokyo Olympic-bound Ernest John Obiena ng Pole Vault at 41st FIG Artistic Gymnastics World Championships gold medal winner Carlos Edriel Yulo. Hindi natinag o nasindak sa malalaking banyagang kalaban ang women’s featherweight champion nang talunin nito ang home-town favorite na si Liudmila Vorontsova matapos itakas ang 3-2 panalo sa championship round ng 2019 AIBA Women’s Boxing Championships sa Ulan-Ude, Russia. “Mas gusto ko po talagang kalaban ang malalaki, komportable ako dahil iyong lakas nila ang sinisikap kong tapatan para mas lumakas pa ako,” sagot niya sa panayam ng BULGAR.
Ang 5-foot-2 Filipina puglist na ang ikalawang Pinay na nagwagi ng gold medal sa World Championship na unang kinuha ni light-flyweight Josie Gabuco noon sa 2012 Qinhuangdao meet. Bagamat may gold medal na siya sa World Championship, may bigat pa rin sa balikat ng 3-time SEAG silver medalist dahil hindi pa rin tiket ang gold medal para sa 2020 Tokyo Olympics. “Nakakapanghinayang lang kase biglang nagbago iyong ruling ng AIBA, pero ganoon talaga, lahat naman ay kailangan nating paghirapan para makuha natin iyong ating pangarap na Olympics,” wika ng dati ring 2015 Incheon Asian Games campaigner.
Kaya naman nakahanda si Petecio sa biennial meet dahil hindi pa siya nakaka-ginto sa sa SEAG sapul noong sumabak sa 2011 Jakarta, 2013 Napyidaw at 2015 Singapore Games. Noong 2018 ay walang women’s boxing sa Malaysian meet.
Sina Petecio, Carlos Edriel Yulo at Ernest John Obiena ay nakatanggap ng tig-P1-M insentibo mula sa Philippine Sports Commission (PSC) dahil sa Republic Act 10699 o mas kilala bilang National Athletes and Coaches Benefits Incentives Act.
Magtutungo ng Queensland, Australia ang boxing team upang magkaroon ng karagdagang ensayo bilang preparasyon sa biennial meet. Makakasama ni Petecio sina AIBA World championship silver medalist Eumil Marcial, 2018 Asian Games bronze medalist Carlo Paalam (light flyweight, 49 kg), Jakarta-Palembang Games silver medalist Rogen Ladon (flyweight, 52 kg), 2015 SEAG gold medalists Ian Clark Bautista (bantamweight, 56 kg), 2016 Rio Olympics representative at 2014 Incheon Asian Games silver medalist Charly Suarez (lightweight, 60 kg), James Palicte (light welterweight, 64 kg), Joel Bacho (welterweight, 69 kg), John Tupas-Marvin (light heavyweight, 81 kg), Gabuco, Irish Magno (flyweight, 48 kg), Aira Villegas (bantamweight, 54 kg),) at Risa Pasuit (lightweight, 60 kg).





Comments