Golden Stags, lumakas ang tsansa sa Final 4

Nakuha ng San Sebastian College ang pinakamahalagang tagumpay nila sa 95th National Collegiate Athletic Association (NCAA) matapos talunin ang season host Arellano University,85-80, sa FilOil Flying V Centre Martes ng hapon. Dahil dito, umangat ang Stags sa 10-7 panalo-talo at lumakas ang kanilang pagkakataon na makamit ang ika-apat at huling puwesto sa Final Four.
Hindi naging madaling kalaro ang Chiefs at huling lumamang matapos ang three-point play ni Kent Salado na may 7:20 nalalabi, 67-65. Sinagot ito ng anim na sunod-sunod na puntos ni RK Ilagan simula sa dalawang free throw galing sa foul ng dating Stag na si Alfren Gayosa.
Mula roon ay sumama sa pagbuhos ng puntos sina Allyn Bulanadi, Kenneth Villapando at Rommel Calahat upang ibagsak ang Chiefs sa kartadang 4-13 at samahan ang Emilio Aguinaldo College sa ilalim ng liga. Limang Stags ang nagtapos na may higit 10 puntos na sina Ilagan na may 20, Bulanadi na may 19, JM Calma at Aljohn Capobres na parehong mya 15 at Villapando na may 12. Sa unang laro, nanatiling buhay ang Mapua U para sa Final 4 sa bisa ng kanilang 85-81 na panalo sa University of Perpetual Help System-Dalta. May taglay na 9-8 panalo-talo ang Cardinals at kailangan nilang manalo sa huling asignatura kontra sa College of Saint Benilde noong Okt. 18 at magdasal na matalo ang Stags sa Perpetual Help sa araw din na iyon upang magkaroon ng playoffs. Dahil sa panalo ng Stags at Cardinals, sumara ang pinto para sa Blazers patungo sa Final 4. Bago nagsimula ang araw, may maliit na pag-asa ang Blazers (7-9) kung parehong matatalo ang mga nasabing koponan.
Aabangan ang tapatan ng dalawang nangungunang koponan ng NCAA sa Huwebes, ang defending champion SBU at Lyceum sa 4:00 p.m. Kung mananalo ang Red Lions, tatapusin nila ang elimination na may walang bahid na 18-0 kartada at papasok agad sa seryeng best-of-three para sa kampeonato at maghihintay ng makakalaro.





Comments