Yulo, naka-1st gold ang PHL Gymnastics sa World C’ship

Sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng gymnastics sa Pilipinas, mayroon nang nagbitbit ng bandila ng bansa sa pinakamataas na posisyon nito sa pandaigdigang kompetisyon.
Ipinamalas ni 2020 Tokyo Olympic-bound Carlos Edriel “Caloy” Yulo ang malulupit na vertical stunts at halos perpektong landing upang kunin ang Gold medal sa Floor Exercise, Sabado ng gabi, sa 49th Artistic Gymnastics World Championships sa Hanns-Martin-Schleyer-Halle Arena sa Stuttgart, Germany
Inirehistro ng 19-anyos na si Yulo ang pambihirang 15.300 kabuuang puntos ng ibigay sa kanya ng judges ang 6.500 sa difficulty at 8.800 sa execution upang maungusan si 2017 World championship silver medalist Artem Dolgopyat ng Israel na nakakuha ng dikitang 15.200 total points sa 6.400 difficulty at 8.800 sa execution. “I’m super happy. I didn’t expect to win this medal. I’m crying on the inside,” wika ni Yulo, na nahigitan ang kanyang bronze medal performance sa 2018 Doha championships.
Nagsimula si Yulo sa ika-7th place lamang bago ang championship performance, ngunit dahil sa ipinamalas na techniques gaya ng full-twisting double lay-out, piked double front-half, 3 1/2 to barani, at isang triple twist dismount, napabilib nito ang judges upang ibigay sa kanya ang unang gold na nagpaluha sa head coach nitong si Munehiro Kugimiya.”There are not a lot of other gymnasts [in the Philippines], I want them to come to our gym, and try Gymnastics, because Filipinos, they like basketball, but we’re small. They should try Gymnastics, it’s more fun,” panghihikayat ni Yulo sa mga kabataan na na kasalukuyang naninirahan at nag-eensayo sa Japan.
Nakuha ni Yulo ang qualifying mark sa 2020 Tokyo Olympics ng lumapag ito sa ika-7th place sa Floor Exercise na may 14.6333 mark at All Around Performance sa 18th place na may 82.164.
Ang all-around performance ay kinabibilangan ng mga puntos ni Yulo sa Floor (14.633), Pommel Horse (12.466), Rings (13.166), parallel bars (14.433), vault (14.433) at Horizontal bar (13.033). Lumapag din sa 12th place si Yulo sa vault at 22nd place sa Parallel Bars.
Kasama na si Yulo sa 222 kabuuang atleta sa buong mundo mula sa Artistic (79 men at 81 women) at Rhythmic (17 Individual at 45 Group) gymnastics, habang magsasagawa pa ng qualifying sa Trampoline sa world championships nito sa Nobyembre 28-Dis 1 sa Tokyo, Japan.
Ang Filipino artistic gymnasts ay ang ikalawang Filipino na lalahok sa 2020 Olympic Games kasunod ng Pole Vaulter na si Ernest Obiena.





Comments