PHL Pencak Silat, naka-3 pilak sa World C’ships

Nagsukbit ng limang medalya ang Philippine National Pencak Silat team sa nakalipas na 1st World Beach Pencak Silat Championships noong Setyembre 30-Oktubre 4 sa Patong Beach sa Phuket sa Thailand.
Nakamit ng pambansang koponan ang 3 silver at 2 bronze medal sa kompetisyong pinamunuan ng Pencak Silat Association of Thailand matapos mapili ng International Association of Pencak Silat (PERSILAT) para ganapin ang 5-day event na torneo.
Ibinulsa nina Denmark Abdurasad ang silver medal sa Men’s Tanding Class D, Edmar Tacuel sa Men’s Seni Tunggal, at samahan nina Jamaila Rammos, Jeremae Beato at Mitz Jalandoni ang huling silver medal sa Women’s Seni Regu.
Kinuha ni Rechel Huinda Llavore ang bronze medal sa Men’s Tanding Class A, habang napagwagian ni Juryll Del Rosario ang isa pang tanso sa Men’s Tanding Open Class. Ang torneo ay nagsilbing preparasyon ng Pambansang koponan para sa nalalapit na 30th Southeast Asian Games sa Nob. 30- Dis. 11 sa iba’t ibang panig sa Luzon ngayong taon.
Susubukan ng Pambansang koponan na malampasan ang natamong 1 gold ni Dines Dumaan sa Men’s Tanding Class A 45-50kgs category at 4 na bronze medal mula kina Rick-Rod Ortega (Men’s Tanding Class C 55-60kgs), Jefferson Rhey Loon (Men’s Tanding Class D 60-65kgs), Del Rosario (Men’s Tanding Class I 85-90kgs) at Princesslyn Enopia (Women’s Tanding Class A 45-50kgs).
Ito ang kauna-unahang world tournament para sa Pencak Silat na nilahukan ng 35 bansa sa 25 gintong medalyang nakataya. Ang Silat ay isang klase ng Martial Arts na tradisyonal na ginagawa sa Brunei, Indonesia, Malaysia, Singapore, sa ibang bahagi ng Pilipinas, Silangan ng Thailand at Vietnam.





Comments