Isa na lang sa Red Lions para sa best-of-3 finals
- A. Servinio
- Oct 11, 2019
- 2 min read

Isang panalo nalang at wawalisin na ng defending champion San Beda University ang elimination round ng 95th National Collegiate Athletic Association (NCAA) matapos nilang sakmalin ang College of Saint Benilde, 95-73, Huwebes ng hapon sa FilOil Flying V Centre para sa kanilang ika-17 na panalo.
Ang Lyceum of the Philippines ang huling makakalaro ng Red Lions sa Okt. 17 at kung magtagumpay ay papasok sila agad sa best-of-three finals at maghihintay na lang ng kalaro.
Sa una, mukhang ang Blazers ang unang babahid sa kartada ng Red Lions at lamang sila pagkatapos ng first half, 42-41. Nagawa pang lumayo ang St.Benilde, 50-45, hanggang binigyan ng malakas na foul ni Justin Gutang si Calvin Oftana at biglang nagbago ang takbo ng laban sa huling 7 minuto ng 3rd quarter.
Nagising si Oftana at nagpasabog ng 22 puntos, mas marami pa sa buong koponan ng Saint Benilde.
Pagdating ng huling 5 minuto ng 4th quarter, nagpasya na si Coach Boyet Fernandez na ipahinga na si Oftana dahil lumobo na sa 25 ang kanilang lamang. Nanguna si Oftana para sa Red Lions na may 29 puntos at 9 rebounds.
Sinundan siya ni James Canlas Kwekuteye na may 21 puntos, 9 rebounds at 7 assist.
Mahalaga ang laro ng Lyceum (12-4) ngayong hapon kontra sa Jose Rizal University (4-11) simula 2:00 p.m.dahil maaring makakamit ng Pirates ang ikalawang puwesto sa Final Four.
Sa ibang laro, sisikapin ng Letran (10-6) na manatiling buhay para sa ikalawang puwesto sa tapatan nila ng University of Perpetual Help System-Dalta sa pambungad na laro ng 12:00 ng tanghali habang magtutuos ang Emilio Aguinaldo College (3-13) at season host Arellano University (4-11) sa 4:00 p.m.
Samantala, namamayagpag ang Saint Benilde sa ibang mga disiplina sa NCAA sa pagtanggol ng paaralan ng kanilang dobleng kampeonato sa Taekwondo.
Ito na ang ika-5 sunod para sa mga babae at dalawang sunod para sa mga lalake sa ilalim ni Coach of the Year John Paul Lizardo.





Comments