Mga walang ‘K’ sa 4Ps, out!

Makikialam na ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa listahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng mga tumatanggap ng tulong-pinansiyal mula sa gobyerno.
Ito ay kaugnay sa ulat na may beneficiaries ng 4Ps o Pantawid Pamilyang Pilipino Program ang hindi raw totoong mahihirap. Kaya nagkasundo ang DILG at DSWD na salain ang listahan sa pamamagitan ng Memorandum of Understanding (MOU) na magbibigay-daan para sa “Listahanan 3”.
Sa latest na datos ng DSWD, aabot sa 144 cities at 1,483 municipalities sa 80 provinces naipapatupad ang 4Ps na pinakikinabangan ng mahigit 4.8 milyong pamilya.
Ang 4Ps na halaw sa programang Conditional Cash Transfer (CCT) ng mga bansa sa Latin Amerika at Aprika ay may dalawang layunin bilang pangunahing programa kontra kahirapan. Ang una ay para makapagbigay ng pinansiyal na tulong sa pinakamahihirap na mga pamilya upang tugunan ang pangunahin nilang pangangailangan at pangalawa ay bilang pagsira sa siklo ng kahirapang naipapasa sa bawat henerasyon.
Malinaw ang nabanggit, ang 4Ps ay para sa pinakamahihirap na pamilya. Para sa kanilang mga todo-kayod sa trabaho, pero kinakapos pa rin. Ito ay para sa mga magulang na hindi kayang pag-aralin ang mga anak o mga magulang na may kapansanan o may karamdaman.
Ang 4Ps ay hindi pansugal o pang-inom. Higit sa lahat, ang 4Ps ay hindi makinarya para gamitin ng mga pulitiko. Hindi ito para sa mga kaalyado kundi para sa mga karapat-dapat na maging benepisaryo. Kaya sana, sa pamamagitan ng Listahanan 3, masala at matiyak na ang mga tumatanggap ng 4Ps ay silang mga totoong mahihirap at nangangailangan.
At sa mga nasa 4Ps d’yan na may sarili namang negosyo, may mga paupahan, nakakapag-travel pa kung saan-saan at may kung anu-anong bisyo, mahiya naman kayo!





Comments