Golovkin, IBF middleweight Champ vs. Ukraine sa U.S.

Muli na namang hinirang na Middleweight champion si Gennadiy Gennadyevich “Triple G” Golovkin (40-1-1 35KOs) ng Kazakhstan matapos maitakas ang isang unanimous victory Sabado ng gabi (Linggo ng umaga sa Pilipinas) laban kay Sergiy Derevyanchenko (15-3, 10 KOs) ng Ukraine sa Madison Square Garden sa New York City, USA.
Nakuha ng 37-anyos na si Golovkin ang bakanteng International Boxing Federation (IBF) middleweight belt sa bisa ng 114-113, 115-112 at 115-112 ng judges.
Isa ito sa mga titulo ni GGG na dati niyang hinawakan matapos makuha ang unified titles sa pagitan ng 2010 hanggang 2018.
“I told you, he’s a very tough guy. This is huge experience for me. Right now, I understand I need more. I feel this was not an easy fight for me. This was a tough fight,” wika ng dating 2003 Amateur World Champion na si Golovkin matapos ang laban.
Naging mainit ang pasimula ng dating 2014 Athens Olympics Silver medalist Golovkin nang pabagsakin nsi Derevyanchenko sa pamamagitan ng kaliwang suntok para lumamang ito sa unang dalawang rounds.
Pagdating ng 3rd round ay umiral na ang kabataan ng 33-anyos na si Derevyanchenko nang patamaan niya ng body shots si Triple G dahilan upang umatras at bumagal ito sa bakbakan.
Nagpatuloy ang dikit na diskarte ni Derevyanchenko at patama sa katawan na nagpapahirap kay Golovkin, ngunit hindi pa rin nagpadaig ang dating 2002 Busan Asian Games gold medalists nang kumunekta ng ilang kumbinasyon at nagpakita pa rin ng tikas sa laban.
Ibinuhos lahat ni Golovkin ang kanyang makakaya sa huling dalawang round lalo pa’t alam nito na dikit ang laban nila ni Derevyanchenko.
Sa bandang huli ay iginawad sa kanya ang panalo at ang bakanteng titulo.





Comments