Union Bell, hari sa 1st Leg Juvenile

Itinanghal na kampeon sa katatapos na 2019 PHILRACOM 1st Leg Juvenile Fillies and Colts Stakes Race ang kabayong Union Bell matapos biguin ang mga katunggali nito sa Santa Ana Park, Naic, Cavite kahapon.
Naorasan sa bilis na 1:11 ang kampeon na Union Bell sa patnubay ni jockey Jonathan Hernandez sa 1,200 meters. Pumangalawa ang dehadong Make Some Noise at pumangatlo ang Lucky Savings na dumating na pang-apat ang Exponential na sinundan ng Prime Time Magic.
Sa simula ng karera agad na kinuha ang unahan ng Bulwagan na pangalawang bumenta habang nakasunod ang Super Outstanding ang Union Bell at pangatlo ang Lucky Savings.
Pagdating sa huling 800 meters agad pinasibad ang Union Bell habang paparating ang Make Some Noise na 2nd place sa karerang nabanggit.
Tinanggap ng kampeon na Union Bell ang unang premyong P600,000 habang napunta ang P225,000 sa Make Some Noise na pumangalawa at pagkakalooban ng P125,000 bilang 3rd place ang Lucky Savings at mag-uuwi ng P50,000 ang 4th place na kabayong Exponential.
Samantala, bukod sa premyo tatanggap din ng trophy ang may-ari ng kabayo at mag-uuwi ng P40,000 ang breeder ng mananalong kabayo.
Samantala sa susunod na Linggo hahataw ang 2019 PHILRACOM 4 Year Old and Above Local Stakes Race sa Metro Manila Turf Club Inc.sa Malvar, Batangas.
Tatahakin ng mga kalahok ang 1,800 meters na karera sa pangunguna ng Hiway One, Metamorphosis, Pangalusian Island, Scarborough Shoal, Summer Romance at Victorious Colt.
Tatanggap ng P300,000 ang tatanghaling kampeon habang mag-uuwi ng P112,500 ang 2nd place at may P62,500 ang 3rd place at may P25,000 sa 4th place habang tatanggapin ng palahing kabayo ang P30,000.





Comments