Maliit na tigre, sign na mag-umpisa sa maliit na negosyo, huwag hangaring instant yaman
- Socrates Magnus
- Oct 5, 2019
- 2 min read
Salaminin natin ang panaginip ni Ate Aileen ng Ate_Aileen@facebook.com
Dear Professor, Nanaginip daw ang mister ko na nakauwi na siya rito sa Pilipinas at pinuntahan niya ‘yung kaklase niyang pulis nu’ng elementary, tapos, nagpapa-raffle raw siya at puwede raw manalo ng white gold kaya sumali ang mister ko at nagbayad ng P100. Sinabi raw na nanalo siya, pero ang napanalunan lang niya ay ipit na pambabae pero hindi na niya kinuha dahil pakiramdam niya ay niloko siya dahil ang usapan ay white gold ang premyo. Tapos, may lumapit daw sa kaklase niya na dalawang babaeng Chinese at bumili ng pampasuwerte na gold at parang bling-bling, bracelet at kuwintas na dragon. Tapos, kinuha ng isang Chinese ‘yung tatlong pampasuwerte at pinagdikit-dikit niya at naging maliit na tiger at ibinigay sa mister ko. Ano ang ibig sabihin nito?
Naghihintay, Ate Aileen
Sa iyo Ate Aileen, Masasalamin na nananabik ang mister mo na makauwi sa bansa at makapiling ka. Para siyang nagmamadali at hindi na makapaghintay na muli kang makita. Makikita rin ang pangunahing pangarap niya na umasenso kayo.
Gayunman, ang babala ng kanyang panaginip ay nagsasabing, huwag kayong matutukso sa mabilisang pagpapayaman dahil puwede kayong maloko. Dahil dito, mag-ingat kayo sa mga nag-aalok ng madaling paraan para yumaman dahil marami nang nabiktima ng ganitong panloloko.
Muli, gustung-gusto ng mister mo na umasenso kayo. Nasa panaginip kaya niya ang susi ng inyong pagyaman?
Oo, iha, wala sa mabilisang pagpapayaman kundi nasa maliit na negosyo hanggang sa lumaki at ito ang ibig sabihin ng maliit na tiger sa kanyang panaginip. Sa mga Tsino, ang simbolo ng empire in business ay tiger kaya muli, mula sa maliit ay magiging malaki ang negosyo ninyo.
Hanggang sa muli, Professor Seigusmundo del Mundo





Comments