Libreng kolehiyo, tagilid sa ‘inagaw’ na pondo

Habang hinihintay na tuluyang maaprubahan ang 2020 National Budget, may ilang ahensiya na maaaring malagay sa alanganin ang ilang programa.
Tulad ng Commission on Higher Education (CHED), na planong bawasan ng P11.6 bilyon ang pondo. Kaugnay nito, mahigit 700,000 estudyante ang maaaring maapektuhan.
Ngayong taon, ang budget ng CHED ay P52.43 bilyon at sa 2020 National Expenditure Program, ito ay bumaba sa P40.78 bilyon o nabawasan ng halos 23 porsiyento.
Nabatid na halos 80% ng pondo ng ahensiya ay nakalaan sa pagpapatupad ng Free College Tuition Law.
Sa nasabing halaga, P25.28 bilyon ay para sa 708,993 beneficiaries ng Tertiary Education Subsidy. Nabawasan din ng P2.6 bilyon ang Tulong Dunong Program ng CHED sa susunod na taon. Kaya umapela na ang ahensiya na ibalik ang nabawas sa kanilang pondo alang-alang sa mga estudyante at programa.
Napakalaking bagay ng libreng kolehiyo.
Noon, kapag ang anak ay nakapagtapos na sa high school, parang okay na, maghahanap na ng trabaho para makatulong sa pamilya. Hanggang sa maipatupad ang Republic Act 10931 o Universal Access to Quality Tertiary Education Act, hindi lang mga estudyante ang nabuhayan ng loob kundi lalo na ang kanilang mga magulang. Sino ba ang hindi nangarap na magkaroon ng mas magandang kinabukasan ang anak?
Sa pamamagitan ng libreng tuition fee, maraming pangarap ang nabigyan ng pagkakataon na matupad, pero ngayong nalalagay sa alanganin ang inaasahang pondo pa rito, paano na?





Comments