Not once but many times nang bumigay sa BF, todo-alala kung magkakatuluyan
- Maestro Honorio Ong
- Oct 4, 2019
- 1 min read
Dear Maestro,
Itatanong ko lang kung kami na ang magkakatuluyan ng boyfriend ko?
Kamakailan lang, ibinigay ko na sa kanya ang aking pagkababae at mula nu’n, nag-aalala ako na baka bigla niya akong iwanan dahil nakuha na niya ang gusto niya.
Ngayon, napapadalas na ang pagtatalik namin kaya gusto ko na sanang magkatuluyan kami. August 15, 1993 ang birthday ko at April 3, 1990 naman ang boyfriend ko.
Umaasa,
Kristine ng Guadalupe Nuevo, Makati City
Dear Kristine,
Kung inaalala mo na baka hindi kayo magkatuluyan ng boyfriend mo, huwag kang mag-alala dahil ayon sa zodiac sign mong Leo na pinaghaharian ng elementong fire o apoy, compatible kayo ng boyfriend mo na may zodiac sign na Aries.
Sapagkat ang Aries ay tulad ng Leo na pinaghaharain ng elementong fire o apoy at dahil pareho kayo ng elemento, sadyang tugma at compatible kayo sa isa’t isa.
Sa pag-aanalisang pang-Numerology ay ganundin, compatible ang birth date mong 15 o 6 (ang 15 ay 1+5 =6) sa birth date na 3 ng boyfriend mo sapagkat kapwa kayo naiimpluwensiyahan ng planetang Venus at Jupiter at ang mga numerong 6 at 3 ay kapwa kabilang sa grupo ng mga numero na kung tawagin ay divisible by 3 o numerong series of 3-6-9.
Ibig sabihin, kayo na nga ang magkakatuluyan at nakatakdang magsama sa pagbuo ng maligaya at panghabambuhay na pamilya na nakatakdang mangyari sa taong 2021 sa edad mong 28 at 31 naman ang boyfriend mo.




Comments