Mga bulok at walang silbi sa PNP, itapon na!
- BULGAR

- Oct 4, 2019
- 1 min read
Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon kaugnay sa modus na agaw-bato na pinagbibidahan ng ninja cops, nagkalabasan na ng mga kapalpakan at katiwalian sa hanay ng Philippine National Police (PNP).
May mga nakalimot sa tungkulin, nasilaw sa pera at kapangyarihan.
Nakapanlulumo at nakababahala na mismong mga pulis ang unang sumusuway sa batas.
Ang senaryo, nagkakasa ng anti-drug operation, ‘yung mga makukumpiskang ilegal na droga, babawasan para may maibenta o tinatawag na inire-recycle. Habang ang suspek na mahuhuli, papalitan ng ibang tao kapalit pa rin ng pera saka gagawa ng report na kabaligtaran ng katotohanan.
Ganu’n lang kasimple, ganu’n lang nila bastusin ang kanilang uniporme at babuyin ang batas.
Kaya sana, ngayong nagkakaungkatan na ng mga kalokohan kaugnay ng problema sa ilegal na droga, panahon na para may tunay na masampulan. Dapat nang may maparusahan!
Kung walang ulong gugulong, magpapatuloy lang ang pamamayagpag ng mga ilegal na gawain.
Ito ay napakalaking kahihiyan na ang tanging pambawi ay ang mapanagot ang mga nagwalanghiya at nagpabaya sa tungkulin.
Kasunod nito ang tunay na paglilinis, itapon na ang mga bulok at walang silbi sa PNP.
Masakit isipin na habang nagkakapitpitan sa Senado, ‘yung mga drug lord, pangiti-ngiti lang o malamang nagtatawanan pa kung paano nila napaglalaruan ang mga nasa gobyerno.





Comments