Bigas palit sa 4Ps, malaking tulong sa mga magsasaka
- BULGAR

- Oct 3, 2019
- 1 min read
Ang cash, gawing bigas. Ito ang isa sa mga paraang naisip upang matulungan ang ating mga kababayang magsasaka.
Sa pamamagitan ng pondo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps, makakabili ng bigas mula sa mga lokal na magsasaka.
Nabatid na sa P28.5 bilyong pondo ng programa hinuhugot ang P600 rice subsidy kada buwan na ibinibigay sa mga benepisaryo ng 4Ps. Sa halip na pera, bibigyan sila ng 20 kilos ng bigas kada buwan. Nandu’n pa rin ‘yung tulong sa bawat pamilya, matutulungan din ang mga magsasaka.
Bukod sa DSWD, pinag-iisipan din itong gawin sa iba pang ahensiya ng gobyerno na nabibigyan ng rice allowance tulad ng AFP, PNP, BJMP, Coast Guard at BFP.
Sa ngayon, hirap ang mga lokal na magsasaka dahil sa mababang halaga ng palay dahil sa pagdagsa ng mga imported na bigas.
Nakapanlulumo na may mga ulat na 200,000 magsasaka ang hindi na raw nagtatrabaho at 4,000 ricemills ang huminto na ang operasyon. Kung unti-unti itong hihina, hindi malayong may mga magsasaka na makikisaka na lang, suwelduhan o makikiporsiyento sa magiging ani. Kung meron mang may sariling lupa, ang nangyayari, naibebenta rin dahil walang pantustos para makapagtanim o kung makapagtanim man kung hindi binabarat, wala namang buyer.
Sa ganitong mga sitwasyon, kawawa ang mga magsasaka at kanilang mga pamilya. May maganda tayong lupa, sobrang masisipag na magsasaka at sagana rin sa tubig, sayang naman kung hindi natin mapagyayaman.





Comments