Red Lions,‘di pinagpawisan sa 15-0 vs. LC Knights

Hindi nangyari ang inaasahang mahigpit na tapatan ng mga magkaribal at madaliang nakuha ng defending champion San Beda University ang kanilang ika-15 sunod na panalo matapos padapain ang Colegio de San Juan de Letran, 75-63, sa pagpapatuloy ng 95th National Collegiate Athletic Association (NCAA) sa FilOil Flying V Centre Martes ng hapon. Tatlong panalo na lang ang kailangan ng Red Lions upang mawalis ang eliminations at pumasok agad sa serye ng best-of-three para sa kampeonato.
Nagbago ng estratehiya si Coach Boyet Fernandez at isinama si JB Bahio sa unang lima sa halip kay Calvin Oftana at pareho din ang resulta at pumalo agad ng 15-1 ang San Beda sa likod nina Bahio, Clint Doliguez, James Canlas Kwekuteye at Evan Nelle.
Oras na pinasok si Oftana, lalong lumayo ang agwat ng dalawang koponan sa bisa ng pinagsama niyang 16 puntos sa ikalawa at ikatlong quarter upang itayo ang 20 puntos na kalamangan, 62-42.
Nagawang alagaan nang mabuti ng Red Lions ang lamang sa kabila ng tangkang bumalik ng Knights sa pamumuno ni Jerrick Balanza na gumawa ng 7 sa kanyang 11 puntos sa huling quarter. Eksakto ang dating ng mga tira ni Nelle upang masigurado ang tagumpay.
Maliban kay Oftana, bumida rin si Doliguez na may 13 puntos. Parehong nag-ambag ng 12 puntos sina Canlas Kwekuteye at Nelle na nagbigay din ng 7 assist. Ang mga nalalabing laro ng Red Lions ay kontra sa Mapua (Okt. 4), Saint Benilde (Okt. 10) at Lyceum (Okt. 17). Kahit anong mangyari, nakasigurado ng twice-to-beat advantage ang mga kampeon
Sa unang laro, naitala ng Emilio Aguinaldo College ang ika-2 sunod na panalo matapos pigilin ang Perpetual Help System-Dalta, 80-76.
Binuhat mag-isa ni Jethro Mendoza ang Generals sa bisa ng 13 puntos sa huling quarter matapos gumawa ng 9 sa unang tatlo.
Umangat sa 3-11 ang EAC at may maliit na pag-asang makahabol sa Final 4 kung ipapanalo ang huling 4 na laro at magdasal na hindi manalo ang mga nangungunang koponan. Bumagsak sa 3-10 ang Altas at gaya ng Generals, isang talo na lang at magpapaalam na sila sa liga sa taong ito. Mga laro sa Huwebes – FilOil Flying V Centre: 2:00 Arellano vs. Letran; 4:00 JRU vs. SSC.





Comments