Bowler Tan, kumpiyansa sa 30th SEAG gold

Nagpahayag ng pag-asa si Bowling World Cup qualifier Merwin Tan na siya ang mamamayani sa Southeast Asian Games.
Kilala sa kanyang husay at disiplina, inaasahan na ang 20-anyos ay gigilas para sa Philippine Bowling Federation National Team na binubuo ng 4 na lalaki at 4 na babae na lalaro sa biennial meet sa Nob. 30-Dis. 11 sa Starmall Bowling Center sa Mandaluyong City.
Si Tan na suportado ni Prima Pasta Chairman Alex Lim ay naniniwala na aanihin niya ang bunga ng kanyang pagpupunyagi kapag nagsimula na ang kompetisyon. “I am very determined because this year was a learning experience for me. All the tournaments that I have won made me more confident. I am determined to do my best in the upcoming Southeast Asian Games,” ayon kay Tan.
Nasungkit ni Tan ang gold medals sa 51st Singapore International Open noong Hunyo at sa 20th Asian Youth Tenpin Bowling Championship sa Malaysia noong Mayo.
Nakuha rin niya ang men’s open masters crown sa Philippine International Open sa Mandaluyong City.
Nakopo ni Tan ang bronze medal sa under-22 event ng 5th Fukuoka Summer Cup Bowling tourney noong Agosto bago nagwagi ng dalawang titulo sa unang METBA-Davao Kadayawan Bowling Open Championships sa Davao City.





Comments