Boss na tutulong para makapag-abroad, magiging kabit kaya masisira ang relasyon sa mister
- Maestro Honorio Ong
- Oct 1, 2019
- 2 min read
Katanungan
Ako ay namamasukan sa pribadong kumpanya at ngayon ay isinasama ako ng amo ko sa Europe at sabi niya, kapag naroon na ako ay ihahanap daw niya ako ng trabaho at kapag nakapagtrabaho na ako ay saka ko na babayaran ang lahat ng magagastos niya sa pagsama sa akin doon.
Iniisip ko kung tama ba ang gagawin kong ito at hindi kaya ako mapapahamak? Sabi ng mister ko, baka ito na ang pagkakataon para umunlad kami at makapanirahan sa Europe?
Ano sa palagay ninyo, dapat ko bang tanggapin ang alok ng aking amo? Sabi niya, mag-aayos na siya ng mga papeles at isasabay na rin niya ang mga papeles ko. Madalas din siyang pumunta sa Europe dahil may kapit siya sa gobyerno at marami na siyang kamag-anak doon. Ano ang dapat kong gawin?
Kasagutan
May malinaw na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na tama ang mister mo dahil ito na ang pagkakataon upang umunlad at guminhawa ang buhay ninyo. Kung ang itinatanong mo ay kung magiging maganda ang buhay mo sa ibang bansa, magiging maunlad ka sa pangingibang-bansa, partikular sa anumang bansa sa kontinente ng Europe.
Ang problema, hindi ang Travel Line (t-t arrow a.) ang pumangit sa iyong mga palad kundi ang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow b.) kung saan ang Marriage Line na ito ay sinundan ng isa pang Marriage Line (Drawing A. at B. 2-M arrow c.). May posibilidad na sa sandaling makarating ka sa ibang bansa, maaaring magkaroon ka ng panibagong lalaki kung saan kahit siya ang makatutulong sa iyo upang umunlad at umasenso, ang lalaking ito ang unti-unting sisira sa maayos at magandang samahan ninyong mag-asawa.
Hindi natin matiyak kung ang lalaking nabanggit ay ang kasalukuyan mong amo kung saan kahit totohanin niya ang kanyang mga pangako, madadala ka niya sa ibang bansa at hahanapan ng trabaho, ngunit, ang posibilidad ay sinadya man niya o hindi, sa bandang huli ay magkakaroon kayo ng lihim na relasyon at ito ang maaaring maging problema sa hinaharap. Magtatagumpay kayong mag-asawa sa materyal na bagay ngunit, unti-unting tatabang ang pagsasamahan at pagmamahalan ninyo.
Mga Dapat Gawin
May mga pangyayari na nakapag-abroad ang isa sa mag-asawa at pinapayagan noong isang panig ang kanyang asawa na mag-asawa sa ibang bansa. Pagkatapos ng legal na kasal, may pinag-usapan ang mag-asawa na magdi-divorce upang ang orihinal na mag-asawa ay muling magsama sa ibang bansa.
Ganu’n kalupit ang buhay ng iba sa ngayon kung saan umangat at umunlad ang kabuhayan dahil pinapayagan ng isa ang kanyang asawa na mag-asawa sa ibang bansa upang kapag naging “citizen” na sa nasabing bansa ay madadala roon ang buong pamilya.
Ayon sa iyong mga datos, Arlene, halos katulad din ng ehemplong binanggit na sa itaas ang magaganap. Ang kaibahan lang ay kapwa mo Pinoy ang magiging karelasyon mo ngunit, sa bandang huli, tulad ng nasabi na, kapag naging citizen ka na sa isang bansa sa Europa, lilipas ang ilang taon at mabubuo na ulit ang inyong pamilya at sa panahong iyon, habambuhay na kayong magiging maligaya.




Comments