Diaz, umangat na sa pang-3rd, humahabol sa elite lifters

Umakyat na sa pangatlong baytang mula sa pang-11 puwesto ang 2016 Rio Olympiad silver medalist at barbelistang Pinay na si Hidilyn Diaz sa pinakahuling listahan ng mga nag-aambisyong makasali sa bakbakang pang 55-kilograms ng Summer Olympic Games sa Tokyo, Japan sa susunod na taon.
Ito ay base sa talaan na ipinalabas ng International Weightlifting Federation o IWF matapos na ipasok ang kinahinatnan ng pinakahuling World Championships sa Pattaya, Thailand.
Isang silip sa listahan at makikitang ang tubong Zamboanga City ay nakalikom na ng 2,731.7699 puntos upang makatutok sa dalawang pambato ng China na sina Huihua Jiang na may naiposteng 3,492.7227 puntos at Qiuyun Liao na nakapagsubi ng 3,402.7612 puntos.
Bumubuntot sa Pinay sina Uzbek Muattar Nabieva (2,715.0665 puntos) at Khazak Sulfiya Chinshanlo (2,659.9042 puntos).
Malaking tulong sa pag-angat ni Diaz sa karera para sa upuan sa Tokyo ay ang pagsikwat niya ng silver medal sa Asian Championships at paghakot ng dalawang tansong medalya sa IWF World Championships. Sa torneong ito, bumuhat siya ng 93 kgs sa snatch at 121 kgs sa clean & jerk para sa kabuuang 214 kgs.
Sa snatch ay nasa pangwalong baitang lang siya pero sa labanang clean & jerk at sa overall ay pumangatlo siya.
Si Liao ay nakakuha ng dalawang ginto sa Thai meet habang si Chinshanlo ang maigting na karibal ni Diaz para sa 3rd place.
Isang kilo lang ang naging lamang ng Pinay sa pambato ng Khazakstan at muntik pa itong madisqualify dahil sa dalawang magkasunod na pagpalya sa pagbubuhat ng bigat na 93-kgs sa snatch.
Ang pinakahuling kaganapang ito ay nagpapatunay na si Diaz ay nakahabol na sa mga elite lifters sa 55-kgs na pangkat.
Matatandaang noon 2016 sa Brazil, ang Pinay ay naging runner-up hindi sa 55-kgs. kundi sa mas magaang 53-kgs.
At ang mas magandang direksiyon, kung ilalapat ang tuntuning hindi maaring lumagpas sa isang kinatawan ang puwedeng ipadala ng isang bansa, mauulit ni Diaz ang silver medal performance niya sa Olympics dahil sa dalawang Intsik ang nasa unahan niya.





Comments