Akhuetie, ipinambalandra ng UP; Ordas, bida sa UE Lady Warriors


Hindi pinaporma ng University of the Philippines si Rey Suerte buong laro upang maigupo ang University of the East, 62-56, para sa ikatlong sunod nilang panalo kahapon sa UAAP Season 82 Men’s Basketball Tournament sa Ynares Center sa Antipolo.
Namuno si reigning MVP Bright Akhuetie para iangat ang Fighting Maroons sa kartadang 4-1, panalo-talo sa ipinosteng 16 puntos, 5 rebounds, 3 assists, at 3 ring steals.
Sa kabila ng mahigpit na depensa ng Maroons kay Suerte, ang bayani ng nakaraang upset win nila kontra DLSU, nakuha pa ring magbanta ng Red Warriors matapos unti-unting burahin ang 13 puntos na lamang ng kalaban sa 3rd quarter at tinapyas ito hanggang isa, 56-57, may natitira pang 1:54 sa orasan kasunod ng basket ni Harvey Pagsanjan.
Ngunit ‘di natibag ang composure ng UP sa pamumuno ni Kobe Paras upang maitakas ang panalo.
“We had lots of lapses, but in the end it was Jaydee that saved us with his three-point shot in the corner,” pahayag ni coach Bo Perasol patungkol kay Jaydee Tungcab na bumitaw ng tres upang iakyat sa apat ang kalamangan ng Maroons.
Samantala, binigo ng University of the East ang hangad ng University of the Philippines na masungkit na ang pinakaaasam na panalo matapos silang ungusan ng Lady Warriors, 68-66 kahapon sa UAAP Season 82 Women’s Basketball Tournament sa Ynares Sports Center sa Antipolo City.
Bumitaw ng isang 3-point shot si Queen Ordas para iangat ang Lady Warriors sa iskor na 66-63, may 1:43 oras pang nalalabi sa 4th canto. Dinagdagan pa ito ni Princess Pedregosa at ginawang limang puntos, 68-63 para sa UE sa pamamagitan ng dalawang freethrows, may natitira na lamang 11.6 segundo sa laro.
Napigil ng naturang panalo ang 4-game losing skid ng UE habang nanatiling walang panalo ang UP pagkaraan ng limang laro at pinahaba din nito ang kanilang losing run hanggang 35 na laban. Sa 2nd game, napanindigan ng De La Salle ang mainit na simula hanggang sa mapadapa ang Adamson, 63-46 para sa ikatlong panalo. (VA)





Comments