Tungkulin, kapangyarihan at limitasyon ng pao sa pagtulong sa mga humihingi ng hustisya
- Daing Mula sa Hukay
- Sep 20, 2019
- 6 min read
Pao Chief Persida Acosta / Daing mula sa hukay hustisya
Sa pagganap sa tungkulin, ang Public Attorney’s Office (PAO) ay hindi naliligaw. Klaro sa amin ang mandato ng aming tanggapan. Nakasaad sa Republic Act (R.A.) No. 9406 o PAO Law ang mga sumusunod:
“SEC. 2. Section 14, Chapter 5, Title III, Book IV of the same Code, as amended, is hereby further amended to read as follows:
‘SEC. 14. Public Attorney’s Office (PAO).
‘The PAO shall be the principal law office of the government in extending free legal assistance to indigent persons in criminal, civil, labor, administrative and other quasi-judicial cases.’
“SEC. 3. A new Section 14-A, is hereby inserted in Chapter 5, Title III, Book IV of Executive Order No. 292, otherwise known as the “Administrative Code of 1987”, to read as follows:
‘SEC. 14-A Powers and Functions. - The PAO shall independently discharge its mandate to render, free of charge, legal representation, assistance, and counseling to indigent persons in criminal, civil, labor, administrative and other quasi-judicial cases. In the exigency of the service, the PAO may be called upon by proper government authorities to render such service to other persons, subject to existing laws, rules and regulations.’”
Malinaw sa mga nabanggit na probisyon na sa pagbibigay ng libreng serbisyo-legal ng PAO, ito ay nararapat na malayang nakagaganap ng mandatong iniatang at binigyang-kapangyarihan ng batas na maipatupad.
Kinikilalang R.A. 9406 ang kahalagahan ng kalayaang ito para sa epektibong pagganap namin sa aming tungkulin tulad ng mga kasong torture na may mahalagang papel ang PAO na dapat gampanan base sa itinakdang R.A. No. 9745 o ang Anti-Torture Act of 2009:
“Section 9. Institutional Protection of Torture Victims and Other Persons Involved. - A victim of torture shall have the following rights in the institution of a criminal complaint for torture:
(a) To have a prompt and an impartial investigation by the CHR and by agencies of government concerned such as the Department of Justice (DOJ), the Public Attorney’s Office (PAO), the PNP, the National Bureau of Investigation (NBI) and the AFP. A prompt investigation shall mean a maximum period of sixty (60) working days from the time a complaint for torture is filed within which an investigation report and/or resolution shall be completed and made available. An appeal whenever available shall be resolved within the same period prescribed herein,
Section 11. Assistance in Filing a Complaint. - The CHR and the PAO shall render legal assistance in the investigation and monitoring and/or filing of the complaint for a person who suffers torture and other cruel, inhuman and degrading treatment or punishment, or for any interested party thereto”.
Sa mga kaso ng yumaong kabataan na sina Kian Loyd de los Santos, Carl Angelo Arnaiz, Reynaldo “Kulot” de Guzman at Michael Angelo Remicio, sinapit umano ng mga ito ang kanilang kamatayan sa kamay ng mga pulis at nakaranas ng torture bago pumanaw at mayroong magkaibang findings ang PAO at PNP (Philippine National Police).
Si Kian ay labimpitong taong (17) gulang nang mamatay noong Agosto 16, 2017 habang nagsasagawa ng anti-illegal drug operation ang mga miyembro ng Caloocan Police sa Caloocan City. Noong Nobyembre 29, 2018, ang naturang miyembro ng pulisya ay napang nagkasala sa krimeng murder.
Napatunayan sa pamamagitan ng forensic science na si Kian ay hindi sangkot sa illegal drugs activities at hindi nanlaban sa mga pulis.
Ngunit, ayon sa bersiyon ng pulisya, iniumang daw ni Kian ang kanyang baril sa mga pulis na naging sanhi ng naganap na shootout na nauwi sa kanyang kamatayan. Gayunman, nakita sa CCTV footage na agresibong nilapitan ng mga pulis si Kian at kinaladkad sa lugar kung saan siya pinaslang. Sa forensic examination na isinagawa ng PAO Forensic Team sa pangunguna ni Atty. Erwin P. Erfe, M.D., nalaman na si Kian ay may tatlong (3) gunshot wounds; dalawa (2) sa ulo na maaaring mula sa ibinaril sa kanya habang nakaluhod at isa (1) sa likuran noong nakadapa. Ang findings na ito ay salungat sa nakasaad sa report ng PNP kung saan si Kian diumano ay nagkaroon ng dalawang (2) gunshot wounds sa ulo.
Sa kaso nina Carl at Kulot, nasampahan ng Double Murder, Planting of Evidence at Violation of the Anti-Torture Law ang mga pulis na sangkot sa pagkamatay ng mga nabanggit na biktima. Sa ngayon, naghi-hearing na sa mga kasong isinampa laban sa nasabing mga alagad ng batas sa Regional Trial Courts ng Navotas at Caloocan.
Sa kaso ni Michael, napag-alaman sa forensic examination na isinagawa ni Dr. Erfe at ng PAO Forensic Team na ang walang buhay na katawan na nakita sa tambakan ng basura sa San Jose del Monte, Bulacan ay nakumpirma na mismong katawan ng nawawalang 16-anyos na si Michael Angelo Remicio.
May mga tao, lalo na ang mga kritiko ng mahal na pangulo na nagsasabi na ang nabanggit na apat (4) na kaso ng murder diumano ay extrajudicial killings (EJK). Ngunit, dahil sa isinampang kaso sa mga sangkot na pulis, napatunayan na walang state-sponsored na EJK sa Pilipinas. Lalo na at napang may sala ang mga akusadong pulis sa kaso ni Kian. Ang ibang mga kaso naman ay pending trial sa korte.
Samakatwid, kumikilos ang mga ahensiya ng gobyerno kabilang ang PAO, National Prosecution Service (NPS) at National Bureau of Investigation (NBI) upang sugpuin ang anumang illegal killings sa bansa. Maging ang PNP ay kasama sa mga tanggapang ito dahil kinikilala natin ang nakararaming miyembro ng pulisya na responsableng gumaganap sa kanilang mga tungkulin.
Gayunman, kung walang kakayanan ang PAO sa pamamagitan ng PAO Forensic Team at laboratory nito na magsagawa ng forensic examination, walang magiging matibay na basehan o walang susuhay sa mga legal na katwiran na siyang armas sa pagsulong ng epektibong libreng serbisyo-legal bilang instrumento ng katotohanan at katarungan.
Hindi rin nito kayang salungatin ang hindi makatotohanang findings dahil sa kawalan ng kaalaman, tatanggapin na lamang nito kung ano ang nariyan. Sa sitwasyong ito, wala ang “independence” na iniatas ng R.A. No. 9406. Salamat na lamang at wala sa kalagayang ito ang PAO, sa halip ay may PAO Forensic Laboratory at experts na may kalidad na umaabot at umaayon sa recognized international standards.
Ang ganitong katangian at kakayanan ng PAO Forensic Laboratory ay kailangan sa case build-up upang mapatatag ang free legal representation sa korte at kabuuang legal assistance ng PAO sa mga kliyente nito. Dahil dito, hindi maaari ang opinyon ng nagsasabi na ang mandato umano ng PAO ay limitado sa administrative, financial management, special and appealed cases, legal research, statistics and field services.
May nagnanais ding ipaubaya sa NBI ang forensic examination na kailangan ng PAO para sa mga kasong hawak nito. Paano kung ang ahensiyang katunggali ng PAO sa nasabing mga kaso ay kinuha na rin ang serbisyo ng NBI? Nakalimutan din ba niya na ang NBI ay hindi lamang nakatuon sa forensic investigation?
Sa Dengvaxia cases, malinaw na hindi forensic examination ang direktiba na nakalagay sa order ng Department of Justice (DOJ) sa NBI. Sa Department Order 763, Series of 2017, inaatasan ng DOJ ang NBI na imbestigahan ang paglabag sa batas at katiwalian sa Dengvaxia 3.5 billion procurement.
Sa kabilang banda, ang PAO sa pamamagitan ng order din mula sa DOJ, Department Order No. 792, Series of 2017, inatasan ang PAO (sa pamamagitan ng inyong lingkod bilang Chief Public Attorney) na magbigay ng libreng legal assistance sa mga kasong sibil, kriminal at administratibo sa mga posibleng biktima ng kapinsalaan, pagkakasakit at kamatayang may kaugnayan sa Dengvaxia.
Sa pagsasampa ng mga nasabing kaso, ang forensic findings sa mga isinagawang forensic examinations (146 na ngayon bilang tugon sa hiling ng mga magulang ng mga biktima) ang mga ebidensiyang nagpapatatag sa mga argumento laban sa mga taong responsable sa nabanggit na kapinsalaan, pagkakasakit at kamatayang may kaugnayan sa naturang bakuna.
Ngayong tuluy-tuloy na ang pagbibista sa Dengvaxia cases at nananatili ang katatagan ng mga pamilyang naghahabla, ganundin ang PAO at mga kasama sa adbokasya, lumalabas ang ilang mga komento o opinyon na taliwas sa mandato ng PAO tulad ng mga nabanggit sa itaas.
Mayroon ding nagsasabi na bukod sa pagkakaroon ng forensic laboratory, ang PAO diumano ay tila naging pulis o nagkaroon ng police power. Bilang tugon dito, kami sa PAO ay nagbibigay ng halaga sa iba’t ibang papel na ginagampanan ng bawat tanggapan sa pagtupad ng tungkulin.
Malinaw sa amin na wala kaming police power ngunit, may kaatasan mula sa batas na mag-imbestiga sa ilang mga kaso tulad ng torture cases na nabanggit sa itaas. Hindi rin namin inaangkin ang kapangyarihan sa pagpapatupad ng arrest warrants.
At sa pagpa-file ng complaints, inirerespeto namin ang kapangyarihan ng prosekusyon, pagkatapos ng preliminary investigation ng mga complaint-affidavit sa tulong ng PAO na mag-file ang mga piskal ng information sa korte at maging aktibo sa pag-prosecute ng mga kaso.
Ang PAO Forensic Laboratory Division na nilikha ng Department of Budget and Management (DBM) sa ilalim ng Office of the Chief Public Attorney noong Enero 2019 sa bisa ng General Appropriations Act (Republic Act No. 11260) ay maaaring maliit pa rin sa paningin ng mga namumula rito, ngunit, noong nakaraang limang taon (2013-2018), ang PAO Forensic doctors at volunteers ay nakapagbigay na ng 3,528 forensic services sa mga kliyente ng PAO.
Dahil sa kabutihang-loob ng pamahalaan, sa pamamagitan ng DBM, lalong naging abot-kamay ng mga maralita at inaapi — ang Forensic Science bilang instrumento ng katotohanan at katarungan.
(Itutuloy)




Comments