top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Divorce Bill, umarangkada na

Writer: BULGAR
BULGAR
Sep 18, 2019
2 min read

Sa unang pagkakataon, dininig ng Senado ang panu­kalang-batas na naglalayong gawing legal ang divorce sa bansa.

Maituturing na “history in the making” ang nasabing panukala at tiyak na aantabayanan kung ito ba ay makalulusot o hindi.

Ngayon pa lang, samu’t sari nang reaksiyon ang naglabasan.

Pabor umano ito sa napakaraming biktima ng domestic violence at psychological abuse. Sila raw ‘yung mga nagtitiis sa iisang bubong alang-alang sa mga anak at dahil na rin sa pagkakatali sa kasal.

Gayunman, may mga naninindigan na ayon sa Bibliya, “Ang pinagsama ng Diyos ay hu­wag paghiwalayin ng tao.” Kapag hiniwalayan umano ng lalaki o ng babae ang kanyang asawa at mag-asawa ng iba, sila ay nagkakasala ng pangangalunya.

Mula sa dalawa at sa marami pang rason kung bakit may pabor at hindi pabor sa divorce, may mga humihirit na palakasin na lamang ang annulment at gawing mas mura at mabilis ang proseso.

Ano ang pagkakaiba ng divorce at annulment na parehong nagreresulta sa pagsa­sawalambisa ng kasal?

Sa ilalim ng ating Family Code, ang pagpapawalambisa ng kasal sa pamamagitan ng annulment ay base sa isang ground o dahilan na nangyari bago ang kasal, hindi para sa isang ground na lumabas na lang pagkatapos. Ilan sa mga puwedeng dahilan ay kung ang nagpakasal ay nasa pagitan ng edad 18 at 21 at hindi humingi ng consent ng kanyang mga magulang, na-‘shotgun marriage’, niloko o may bagay na itinago nang maikasal.

Habang sa divorce, ang ground ay nangyayari sa loob na ng kasal. Dito na umano lumalabas ang iba’t ibang problema. Hanggang sa tipong sukdulan na ang kasamaan at wala nang ‘marriage’ na dapat protektahan.

Gayunman, may tinatawag na ‘cooling-off period’ o anim na buwan para makapag-isip-isip kung itutuloy pa ang hiwalayan.

Samantala, mahaba-habang usapan pa ang mangyayari, mas mainam sana kung makikiisa ang lahat mula sa mga mag-asawa hanggang sa mga anak.

Meron tayong kinatawan sa Kongreso na puwede nating ipabatid ang ating saloobin kung dapat bang aprubahan o hindi ang Divorce Bill.

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page