Pagtatayo ng Chinese Telco sa mga kampo ng militar, imbestigahan!
- BULGAR

- Sep 17, 2019
- 1 min read
Nababahala ang ilang mambabatas sa kasunduang pinasok ng gobyerno sa Dito Telecommunity Corporation para sa installation ng system, towers at facilities sa loob ng military bases.
Ayon sa kinatawan ng isang partylist, binibigyan nito ng kontrol ang China sa pambansang seguridad ng Pilipinas na banta sa mga Pilipinong kontra sa mga polisiya ng gobyerno.
Anila, parang pinayagan na rin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga Chinese na makapasok sa server links at makita ang mga communication at sensitibong impormasyon.
Dagdag pa nila, mas magiging madali sa pamamagitan ng Chinese telco na habulin ang lahat ng kritiko ng administrasyon.
Sa madaling salita, magkakaroon umano ng katuwang ang pamahalaan sa paglulunsad ng karahasan laban sa mga nagtatanggol sa karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).
Napag-alamang ang Dito Telecommunity Corporation na dating Mislatel ay binubuo ng China Telecom at Udenna Corporation na pag-aari ng negosyanteng si Dennis Uy na malapit umano kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Bago pa man umabot sa sinasabing banta, kung may kahit katiting na pagdududa laban sa anumang kasunduang pinapasok ng gobyerno, mainam na imbestigahan ito.
Kung pirmado na, puwede naman sigurong ibasura lalo na kung malalagay sa alanganin ang seguridad ng bansa.





Comments