Nagpamalas ng husay sina Orcullo at Gomez sa Texas

Inilista nina Dennis “Robocop” Orcullo at Roberto “Superman” Gomez ng Pilipinas ang pambihirang back-to-back, 1-2 finish sa kasaysayan ng bakbakang Houston Open 9-Ball sa palaruan ng Legends Billiards sa League City, Texas.
May kabuuang 93 na manunumbok ang naakit ng sagupaang 9-ball pero sa dakong huli, katulad ng resulta noong 2018 si Orcullo, dating World 8-Ball king (2011) at World Cup of Pool titlist katuwang si Lee Van Corteza (2013) ang nagkampeon. Bridesmaid honors ang iniuwi ni 2007 World 9-Ball finalist na si Gomez.
Pagkatapos ng opening round bye, sinipa ni Orcullo, pambato ng Bislig, Sorsogon at si Gomez papunta sa losers’ bracket sa iskor na 9-2. Nakahirit din siya ng mga panalo laban kina Sajal Ghimire (9-8), Josh Roberts (9-8), Canadian John Morra (9-3), kapwa Pinoy na si Edgar Acaba (9-5) at Robb Saez (9-4) para makarating sa finals bilang topnotcher ng winners’ bracket.
Nakabalikwas si Gomez, 41-anyos at tubong Zamboanga, sa pagtiklop sa 40-anyos na kababayan at nangolekta ng mga tagumpay kontra kina Leon Contreras (7-1), Josh Roberts (7-3), Acaba (7-5), Alex Calderon (7-4) at Saez (7-3). Ito ang nagbigay kay Gomez ng karapatan para makaharap si Orcullo sa championship round kung saan nangibabaw ang huli para maiuwi ang top purse na USD 3,480. Ibinulsa ni Gomez bilang pakonsuwelo ang halagang USD 2,320 para sa pagiging segunda. Ang mga Amerikanong sina Saez at Calderon ang 3rd at 4th ayon sa pagkakasunod-sunod habang napunta kay Morra ang 5th place.
Ito ang unang korona ni Orcullo ngayong taong ito. Maliban dito, tatlong beses na rin siyang nakasampa sa podium ng iba’t-ibang paligsahan. Noong Agosto, sumegunda siya sa US Open 10-Ball (Las Vegas, Nevada); pumangatlo naman siya sa Derby City Classic (DCC) 10-Ball Classic at pangatlo rin sa DCC Master of the Table (Pebrero sa Indiana). Bukod naman sa Houston Open, naging bridesmaid din si Gomez sa Scotty Townsend Memorial 9-Ball (West Monroe, Los Angeles) at sa Q-City 9-Ball Tour Stop (Spartanburg, South Carolina).





Comments