Paulit-ulit nilagnat, sumakit ang ulo, tiyan at binti… 11-anyos na naka-wheelchair, hindi sa shprint
- Daing Mula sa Hukay
- Sep 13, 2019
- 5 min read

Pao Chief Persida Acosta / Daing mula sa hukay hustisya

May mga bata na ang kanilang karamdaman ang nagiging sanhi ng kanilang paggamit ng wheelchair sa araw-araw nilang pamumuhay. Gayunman, hindi masasabing sila ay bilanggo ng silyang de-gulong dahil ito ang nagsisilbing mga paa nila para makagalaw, makagawa ng mga bagay na kapaki-pakinabang at maipamalas ang kanilang mga kakayahan sa kabila ng kanilang karamdaman.
Ang nagsisilbing pinakamahalagang bahagi ng wheelchair ay hindi makikita dahil ito ay nasa kalooban ng taong nakaupo rito — nasa kanyang damdamin na pinatitibay ng mga taong nagmamahal, tumatanggap at sumusuporta sa kanya.
Isa sa mga batang naka-wheelchair na dati ay normal na nabubuhay ang pang-isandaan at apatnapu’t lima (145) sa mga naturukan ng Dengvaxia na nakaranas ng ilan sa mga sintomas na kasama sa common pattern of 4 serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism, neurotropism & increase in severity of dengue disease) na consistent sa Sanofi declaration of 4 identified and expected risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) noong Disyembre 22, 2015 at namatay na sumailalim sa forensic examination ng Public Attorney’s Office (PAO) Forensic Team pagkatapos hilingin ng mga pamilya ang serbisyo nila para sa mga pumanaw na biktima. Binibigyan din sila ng libreng serbisyong-legal ng aming tanggapan sa pangunguna ng inyong lingkod, bilang kaukulang aksiyon sa idinudulog nilang kahilingan.
Inamin ng kanyang ina na si Gng. Rowena Pona na mayroon siyang Shprintzen Goldberg Syndrome. Dahil sa kalagayang ito, siya ay nagkaroon ng espesyal na pangangailangan. At dahil sa sitwasyong ito, sa artikulong ito, siya ay tatawagin nating “145”, ang numerong sumasagisag sa kanyang tunay na pangalan at kalunus-lunos na karanasang inabot sa naturang bakuna. Si “145” ay labing-isang (11) taong gulang na batang lalaki. Siya ay naturukan ng Dengvaxia sa isang health center sa Maynila noong Setyembre 5, 2017 at namatay noong Abril 9, 2019 sa isang ospital sa Maynila. Ayon sa kanyang ina hinggil sa pagkakaroon nito ng Shprintzen Goldberg Syndrome:
“Noong 2013, na-diagnosed sa sakit na Shprintzen Goldberg Syndrome ang aking anak. Mula noon ay naka-wheelchair na siya. Sa kabila ng kalagayan niya, naging normal at maayos pa rin ang kanyang pamumuhay. Siya ay mahilig kumanta at tumugtog ng ukelele. Sa kabila ng kanyang kapansanan ay mahilig din siyang maglaro ng basketball. Matalinong bata ang aking anak. Siya ay mahilig mag-aral at may matayog na pangarap sa buhay. Likas siyang aktibo at positibo.”
Dahil sa maayos na kalagayan ng kanyang anak sa kabila ng pagkakaroon nito ng nasabing sakit, mariing ipinahayag ni Gng. Rowena na: “Ako ay naniniwala na ang naging sanhi ng kanyang pagkamatay ay ang itinurok sa kanyang Dengvaxia na bigay ng Department of Health.”
Naalala pa ni Gng. Rowena na: “Noong Oktubre, 2017, isang buwan matapos ang pagbabakuna sa aking anak, nang mag-umpisa siyang magreklamo ng pananakit ng ulo at tiyan. Kasabay noon ay inireklamo rin niya ang pananakit at pangangalay ng kanyang kaliwang binti. Noon din ay nahihirapan siyang huminga. Ang mga nararamdamang ito ng aking anak ay nagpatuloy hanggang Disyembre 2017.”

Ang kalbaryong sinapit ni “145” ay nagpatuloy mula 2018 hanggang ngayong taon. Narito ang ilan sa mga kaganapan sa iba’t ibang petsa ng nabanggit na mga taon na nagsusumigaw ng torture na inabot ng kaawa-awa at walang kalaban-labang biktima:
Pebrero 14, 2018 - muling nahirapang huminga.
Pebrero 15, 2018 - muling nagkalagnat. Masakit din ang ulo at tiyan niya noon at may ubo siya. Siya ay isinugod sa isang ospital sa Maynila. Na-admit siya roon nang limang (5) araw at ayon sa pagsusuri ng doktor ay may pneumonia raw siya.
Pebrero 20, 2018 - na-discharged siya sa ospital at niresetahan ng antibiotics.
Marso 1, 2018 - muling nagkalagnat at nahirapang huminga.
Marso 2, 2018 - mababa diumano ang oxygen level niya kaya nilagyan siya ng oxygen. Isinailalim ulit siya sa iba’t ibang pagsusuri. Limang (5) araw na siyang naka-oxygen noon at bumuti ang kanyang kalagayan. Pneumonia pa rin ang diagnosis sa kanya.
Marso 11, 2018 - na-discharged siya sa ospital. Mula noon hanggang Disyembre 2018, nagreklamo siya ng pananakit ng ulo tuwing malamig ang panahon.
Disyembre 2018 - sa follow-up check-up niya, nahirapan siyang huminga at pagkatapos niyang uminom ng gamot ay umayos ang kanyang kalagayan.
Enero 2019 - muling nahirapang huminga, masakit ang ulo at nangalay ang kanyang dalawang paa. Bumuti ang kalagayan niya pagkatapos uminom ng gamot.
Marso 25, 2019 - nagkaubo siya. Dinala sa isang ospital sa Maynila upang patingnan sa doktor. Ayon sa huli, malala ang kanyang ubo at mababa ang oxygen saturation niya.
Marso 27, 2019 - muli siyang nahirapang huminga. Pinausukan siya ni Gng. Rowena sa kanilang bahay.
Marso 28, 2019 - pinilit ni “145” na dumalo sa Recognition Day niya upang tanggapin ang kanyang medalya. Habang nagtatalumpati siya ay napansin ni Gng. Rowena na hindi niya maiangat ang kanyang kamay. Madalas din ang paglapit niya noon sa kanyang ina dahil sa pananakit ng kanyang ulo. Agad siyang dinala sa isang ospital sa Maynila at doon ay nakitang mababa ang kanyang oxygen saturation. Inirekomenda agad ng doktor na kailangan siyang i-oxygen.
Dahil walang available na oxygen machine at hindi inasikaso ng doktor na nakatalaga sa ER, napilitan ang pamilya na ilipat siya ng pagamutan. Nang mailipat ng ospital ay nagsisigaw siya dahil bigla na siyang nahirapang huminga. Agad siyang nilapitan ng mga personnel ng ospital at ginamitan ng ambu bag. Ayon kay Gng. Rowena, hindi rin alam ng mga doktor ang dapat gawin sa karamdaman ng kanyang anak dahil wala silang ideya sa medical history nito. Siya ay in-intubate noon.
Ang nangyari noong Marso 28, 2019 sa yumaong si “145” at kanyang pamilya ay nagparamdam sa kanila ng hirap ng pagiging mahirap. Sa pinagdalhang ospital ay kulang ang pasilidad kaya kailangan nilang lumipat ng ospital at dahil panibagong doktor na naman ang titingin, hindi maagapan ang emergency situation sapagkat hindi alam ang medical history ng nag-aagaw-buhay na pasyente.
Ang lalo pang nakadagdag ng bigat ng kanilang pinagdaanan ay ang hindi pag-asikaso ng doktor na nasa emergency room noon. Bagama’t, personal na naranasan ni Gng. Rowena ang nabanggit na sitwasyon at sadyang hindi mapasusubalian ang mapait na naging epekto nito sa yumaong anak, napakasakit sabihin na ang naganap sa kanila ay naging yugto sa patuloy na kalbaryong pinagdaraanan ng karamihan sa mga kapwa nila biktima ng trahedya.
Noong Abril 2, 7 at 9, 2019 ang mga kritikal na huling sandali ni “145”. Narito ang bahagi ng salaysay ni Gng. Rowena hinggil dito: “Noong ika-2 ng Abril, 2019 ay inilipat sa xxx (ayaw pangalanang ospital) ang aking anak. Noong ika-7 ng Abril, 2019 ay mainit ang pakiramdam niya at siya ay may lagnat. Madalas niyang inirerereklamo ang pananakit ng kanyang ulo. Noon ay hirap na hirap nang huminga ang aking anak at tumataas na rin ang BP niya. Nagpatuloy ang malalang kondisyon ng aking anak sa sumunod na mga araw.
Noong ika-9 ng Abril, 2019 ay ayaw ng aking anak na mag-duty ang kanyang papa. Makalipas lang ng isang (1) oras matapos siyang i-x-ray ay naging kritikal na ang kanyang kalagayan.
Noon ay nagpaalam ang aking anak sa amin. Sambit niya nang dalawang (2) beses,“Ba-bye.” Kunwari ay sinabi ko sa aking anak na hindi ko naintindihan ang sinabi niya kahit sa kalooban ko ay naintindihan ko at napakasakit dahil siya ay nagpapaalam na sa amin. Dahil nakikita na naming hirap na siya, sinabihan kong magpahinga na siya. Pagsapit ng pasado alas-5:00 ng hapon ay tuluyan nang pumanaw ang aking anak.”
Ang walang kapantay na sakit ng pagpapaalam ng anak sa kanyang mga mahal sa buhay na ayaw man niyang iwanan ngunit, hindi na niya kaya ang pasakit na ibinabanta ng kanyang katawan — ito ang isa sa mga pinakamabigat na dahilan na nagpapaalala sa inyong lingkod, sa aking legal team, sa PAO Forensic Team at sa lahat ng masugid na tagasuporta ng mga biktima ng Dengvaxia na magpatuloy sa aming krusada para sa kanila hanggang sa makamit ang hustisya.
Kapag ito ay naganap na, nawa ay magpaalam na rin sa mga pagpaparamdam na may sakit at pait na dahilan ang mga minamahal na yumao na nasakripisyo sa trahedyang ito.
(Itutuloy)





Comments