Ninakawan ng mister at pinsan, sign na may pagkukulang bilang asawa
- BULGAR

- Sep 12, 2019
- 1 min read
Salaminin natin ang panaginip ni Mc Nep ng Mc_Cip@facebook.com
Dear Professor,
Nanaginip ako na ninakawan ako ng pera. Pinsan ng asawa ko ‘yung nagnakaw at parang magkasabwat pa sila.
Ano ang ibig sabihin nito?
Naghihintay,
Mc Nep
Sa iyo Mc Nep,
Masama ang magnakaw. Pero, mas masama na ang magnanakaw ay ang malapit sa ninakawan.
Gayunman, may higit na masama sa magnakaw at ito ay ang magdamot.
Ayon sa panaginip mo, lihim na hindi mo gusto ang pinsan ng asawa mo. Gayundin, may mga bagay kang ipinagdaramot sa iyong asawa.
Hindi man ito pera o materyal na bagay, maaaring ito ay obligasyon mo sa kanya bilang asawa.
Ang panaginip mo ay hindi nangangahulugan na ikaw ay nanakawan ng pinsan ng iyong asawa, dahil ang iyong panaginip ay nagsasabing, siya ang nakikisimpatiya sa iyong asawa. Ibig sabihin, hindi lingid sa kanyang kaalaman na may mga obligasyon kang hindi nagagawa sa iyong asawa.
Dahil dito, ang payo sa iyo ay suriin mo ang iyong marriage life at kung may puwede kang gawin para gumanda ito, huwag kang magdalawang-isip na gawin ito.
Sa pagsusuri sa sariling buhay, ang pahabol na payo ay dapat maging tapat ka. Gayundin, huwag mo agad ipagtanggol ang sarili mo at kailangang maging bukas ang iyong kaisipan sa anumang pagbabago sa ikagaganda ng buhay ninyo.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo





Comments