UAAP: Blue Eagles at Tigers, mag-uunahan sa 3rd win
- BULGAR

- Sep 11, 2019
- 1 min read

NAKATAKDANG mag-unahan sa pagposte ng ikatlong sunod na panalo ang defending champion Ateneo at UST para sa maagang pamumuno sa kanilang pagtutuos sa UAAP Season 82 Men’s Basketball Tournament ngayon sa Araneta Coliseum. Ganap na 10:30 a.m. mag-uumpisa ang tapatan ng dalawang namumunong koponan na kapwa may kartadang 2-0, panalo-talo sa pambungad na laban.
Kasunod ang salpukang De La Salle at National U ng 12:30 p.m. bago ang huling bakbakan sa pagitan ng Adamson at UE sa 4 p.m.
Ni hindi gaanong nababanggit at pinag-uusapan ang Tigers noong pre-season. Katunayan sa ginanap na season press launch ng liga, hindi napili ang UST bilang isa sa paborito kung kaya marami ang nasorpresa sa panimulang dalawang panalo.
Sa umagang ito, tiyak nang masusubukan ang tatag ng Tigers sa pamumuno ng unang Player of the Week ng Season 82 na si Rhenz Abando, Beninese center Soulemane Chabi Yo, ang backcourt trio nina Mark Nonoy, Renzo Subido at Brent Paraiso at skipper CJ Cansino sa sandaling makasagupa nila ang mas beterano at siksik sa championship experience na sina Isaac Go, ang kambal na sina Matt at Mike Nieto, Gian Mamuyac, Ivorian slotman Angelo Kouame at Thirdy Ravena.
Sa ikalawang laban, parehas na magkukumahog na bumawi sa nalasap na pagkatalo sa kani-kanilang unang laro ang Green Archers at ang Bulldogs. (VA)





Comments