Banta ng terorismo, ‘wag dedmahin

HABANG abala tayo sa iba’t ibang kontrobersiya at anomalya sa gobyerno, may pangamba naman sa seguridad ng ating bansa.
Ayon sa Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command, may mga pag-atake pa na nakatakdang maganap sa ilang military installations sa Sulu na pangunahing target ng ilang foreign suicide bombers ng ISIS inspired terror group na Abu Sayyaf.
Kaugnay nito, naka-heightened alert na ang mga awtoridad at pinaghahandaan ang posibleng paghahasik ng terorismo, partikular ang pambobomba ng umano’y dalawa pang natitirang suicide bombers.
Base sa intelligence monitoring, limang suicide bombers umano ang inatasan ng ASG na magsagawa ng mga pambobomba kung saan tatlo na ang naisakatuparan.
Matatandaang, dalawa sa mga ito ang namatay sa suicide bombing sa kampo ng 1st brigade combat team sa Indanan, Sulu noong June 28, 2019 kung saan ang isa rito ang kauna-unahang Pinoy suicide bomber na si Norman Lasuca habang ang pangatlo na kumpirmadong babae ay namatay naman sa naganap na suicide bombing sa gate ng 35th infantry battalion sa Indanan Sulu nitong Linggo.
Tiwala naman tayo na ginagawa ng mga sundalo at pulis ang nararapat upang maproteksiyunan ang ating bayan mula sa anumang banta ng karahasan.
At bilang mga mamamayan, may mga tungkulin din tayong dapat gampanan — ang maging mapagmatiyag sa paligid at ang bantayan ang isa’t isa.





Comments