Sorry at paliwanag ng Gilas, now na!

HUMANDA na ngayon si coach Yeng Guiao sa kanilang pag-uwi sa bansa kasama ang Gilas Pilipinas kung paano hihingi ng tawad o ipaliliwanag sa lahat ng fans ang pagkabokya ng team sa FIBA World Cup 2019 sa Foshan, China.
Uuwing luhaan ang national team sa tinamong 0-5 record, makaraang gupuin ng Italya, Serbia, Angola, Tunisia at Iran sa unang round pa lamang ng bakbakan.
Ang huling 95-75 na pagkabokya ng Gilas kontra Asian rival na Iran ang nagsara sa nakalulungkot na kampanya ng Pinoy sa World Cup. Halos makipagpatayan naman sila kontra Angola sa 84-81 overtime game pero nabigo pa rin. “Well, of course, una, we’re very sorry that we were not able to perform up to ‘yung siguro level na ine-expect nila,” saad ni Guiao na lumabas sa ABS-CBN online nang matalo sa Iran. ”Kasi gusto lang naman natin na siguro, dikit-dikit lang. Pero even there, hindi natin makayanan,” dagdag niya.
Iniiwanan agad ang Gilas sa torneo ng Italy sa first quarter ng 37-8 hanggang sa tinambakan na sila sa 102-68, kasunod ng pagyuko sa Serbia, 126-67 sa ikalawang laro. Nakipagbakbakan sila nang husto sa Angola pero sayang at kinapos pa rin. Gayundin ang ginawa sa kanila ng Tunisia, 86-67 noong Biyernes at binigyan naman siya ng Iran ng pahirapang laban sa 1st quarter at nangyari na naman ang sunod na kabiguan ng Pinoy. “Meron ding parang mga bagay pa na puwede pa nating dapat na nagawa, in terms of preparation,” aniya. “Meron pa rin tayong mga breaks na nasayang, ‘di nangyari.”
Sayang din at nataon pang na-injured si Marcio Lassiter at Matthew Wright na pawang mga aasahan pa namang shooters ng Gilas na kitang-kitang dito talaga kinulang ang team.
Pinanghinayangan din ang pag-atras sa laro ni veteran guard Jayson Castro. Kapos na rin ang team sa preparasyon na dapat sana ay mas mahaba pa sa nakatakdang training camp. “So all of those things could have helped us perform better. I’m not saying tatalunin natin ‘yung mga natalo tayo,” aniya “Pero ‘yung better performance, maa-achieve natin.” “Hindi ko man sinasabi na kung nadagdagan ‘yung preparation natin, kaya nating talunin ‘yung mga tumalo sa atin, hindi naman. Siguro, mababawasan lang natin ‘yung mga gap or leads nila,” dagdag pa niya.
Inaasahang uuwi na ngayong umaga ng Martes sa bansa ang national team at siguradong puputaktihin sila ng mga katanungan kung ano nangyari sa kanilang performance. Lalo na’t bago pa lamang silang dumayo sa World Cup marami nang humuhusga sa performance nila at lalo pa silang napintasan dahil nasetlog sa torneo.





Comments