Oldies out, bagets in sa gobyerno
- BULGAR

- Sep 10, 2019
- 2 min read
SUMUBOK ng ibang kabuhayan at bigyan ng chance ang mga bagets.
Dalawa lamang ito sa mga layunin ng panukalang ibaba nang limang taon ang retirement age para sa mga empleyado ng gobyerno.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 738, aamyendahan ang Republic Act 8291 o Government Service Insurance Act of 1997, para ibaba ang optional retirement age na mula 60 ay gawing 55, samantalang, ang compulsory retirement age na 65 ay 60.
Sa pamamagitan nito, mabibigyan umano ng pagkakataon ang mga government employee na subukan ang iba pang uri ng kabuhayan upang maging maayos ang kanilang pinansiyal na katayuan. Maaaring sila ‘yung mga kumakapit sa sanla-ATM o madalas mag-‘london’ o ‘loan dito, loan doon’.
Kung maagang matatanggap ang benepisyo mula sa pagreretiro, puwede namang magnegosyo. Ang tanong, paano kung kulang pang pambayad sa mga utang? Paano kung walang katiyakan sa papasuking bagong kabuhayan? Paano, ‘nganga’ na lang ba?
Isa pang layunin ng panukala ang mabigyan ng pagkakataon ang mga mas bata. Sila umano ‘yung mga eksperto sa bagong pamamaraan at teknolohiya na kailangan sa mga bagong trabaho.
Gayunman, hindi maitatangging bukod sa ‘E’, as in, eligibility, madalas, dapat ding may ‘B’ ka, as in, backer para makapasok sa gobyerno. Ang masaklap, ‘yung ibang nakapapasok na may backer, wala namang eligibility. Kaya hindi lang ang isyu sa edad ng mga empleyado ang dapat pagtuunan ng pansin.
Hanggang ngayon, marami pa ring pasaway. Nasa public service, pero ang susungit. Sumusuweldo nang buo, hayahay sa trabaho.
Panahon nang mabago ang bulok na kalakaran. Maaaring hindi lang sa edad ang isyu kundi nasa mismong pagtatrabaho. Tama na ang padrino system, ibigay natin ang pagkakataon sa mga mas may puso at kakayahang makapaglingkod sa publiko.





Comments