'Di raw matris ang basehan ng pagiging babae… Vice rumesbak, pinalagan si Tito Sen

Beth Gelena / BULGARY FILES

PINAG-USAPAN na sa Senado ang batas na isinusulong ni Senator Risa Hontiveros, ang Sexual Orientation, Gender Identity and Expression (SOGIE) Equality Bill.
Pagkatapos ng session ng mga senador, nagbigay ng statement si Senate President Tito Sotto hinggil sa ipinaglalaban ng LGBTQIA+ community.
Ani Sen. Sotto, ang ipinanganak na lalaki ay hindi na magiging babae kailanman.
“If you are a man, you will never be a woman, no matter what you do, because you cannot reproduce. You cannot give birth. You do not have ovaries. You will never be a woman. So, this to me, the SOGIE bill is a bill against women’s rights.”
Ang pahayag na ito ay kinondena ng It’s Showtime host na si Vice Ganda. Sa kanyang socmed account ay sinagot ni Vice ang statement ng Senate president.
Aniya, “Joke po ba ito, Hon. Senate President Tito Sotto?”
Sambit pa ng TV host-comedian, ang pagiging babae raw ba ay nasusukat lang sa pagkakaroon ng matris at obaryo para sa kakayahang magbuntis at magkaanak? Papaano naman daw ‘yung mga tinanggalan ng obaryo at hindi na puwedeng mag-anak, hindi na raw ba sila babae?
Marami pang sinabi si Vice na para sa ibang netizens ay pawang kapilosopohan na raw.
Ayon sa netizen, “Masyado ka naman yatang pa-deep o namimilosopo ka lang? Of course, babae sila ke may anak o wala dahil ipinanganak silang babae. ‘Wag ka nang gumawa ng argumento para lamang gumawa ng bagong pag-aargumentuhan. Ang trans ay hindi kailanman magiging babae.”
“Lahat ng babae, may matris, Vice. ‘Wag mong iligaw kasi sa talino mo, dapat alam mo ang ibig sabihin ni Sen. Sotto.”
May kumampi naman sa It’s Showtime host.
Aniya, “Tama naman ang punto ni Vice. Ang babae, higit pa sa matris o pagkakaroon ng anak. Kababawan naman na ang tingin sa babae ay palahian lang.”
Ang iba namang netizens ay mukhang nauuta na sa balita dahil panay na lang daw LGBTQIA+ ang pinag-uusapan samantalang maraming dapat ayusing problema ng bansa ang mga mambabatas.
“Nakakasawa na rin ang pagiging entitled ng mga LGBTQIA+ community. Dapat ba ay puro na lang pabor sa inyo? Ang daming problema ng Pilipinas, tapos panay toilet ang pinagdedebatehan sa Senado.”
“Pagtuunan n’yo naman ang ibang problema ng bansa na malala talaga. Traffic, baha, basura, mga magsasakang halos hinihingi na ang palay sa mura pero ang mahal ng bigas!”
Ang iba namang netizens ay concerned sa ibang problema na nangyayari sa Pilipinas.
“I do respect your statement, Vice, pero si Sen. Sotto, sana, irespesto mo rin. May kani-kanya tayong opinyon pagdating sa issue na ‘yan and to be honest, dapat, hindi n’yo na pinapalaki pa dahil mas marami pang mahalagang problema ang Pilipinas. ‘Wag naman kayong gahaman. Alam nating tanggap naman ng karamihan ang LGBTQIA+ community, bakit may bill pa kayo na gustong maipasa? Pilipinas ito at sana, unahin muna ang mas importante.”
Sinasabi naman ng iba na stone age raw si Sen. Sotto, pero kung ang pagsasabi ng facts ay utak-stone age, ano naman daw kaya ang tawag sa biological sex na nakalagay sa birth certificate? Ang nakalagay lang naman daw sa gender ay male or female at walang “no gender” option na LGBTQIA+.
Sana raw, after ng SOGIE hearing, pakiusap ng mga concerned netizens, ang plight naman ng mga farmers ang pagtuunan ng pansin sa Senado.
Si Vice naman ay naninindigan na hindi patas si Sen. Tito sa kanyang mga ipinahayag.





Comments