Naturalized ng russian wrestler, ipipilit para sa tokyo olympics

ISANG kontrobersiyal na Russian wrestler ang nais gawing bagong miyembro ng national team para maging kinatawan ng bansa sa 2020 Tokyo Olympics.
Susubukang itulak ng Wrestling Association of the Philippines (WAP) na idaan sa proseso ng “naturalization” ang dating Russian national team member Igor Dmitriev para sa qualifying tournament bitbit ang bandila ng Pilipinas. “We brought him (Dmitriev) here to help wrestling in our country, however, he eagerly wants to be part of our national team and represent us in the Olympics,” ayon kay WAP president Alvin Aguilar nang makausap ng BULGAR sa telepono. “As of now, he is in the process of ‘naturalization’ and already having endorsement from our law makers,” dagdag ng founder ng Universal Reality Combat Championship (URCC).
Ayon kay Aguilar, sentro ngayon ng intriga at kontrobersiya ang 27-anyos na Freestyle wrestler na umano’y “Number 2 best amateur wrestler sa Russia” – na pinuputakte ‘di umano ng pagdududa at reklamo dahil hindi naman dapat kumuha ng ibang lahing manlalaro sa ibang bansa.
“Bakit iyong basketball kapag kumukuha ng ‘naturalized’ player wala namang umaangal o nagrereklamo, bakit kapag wrestling hindi puwede,” sambit ni Aguilar. “Para kasi tayong utak talangka niyan eh. My mandate is to spread the sports wrestling in the country and hopefully to achieve best in the world,” eksplika nito.
Inamin ng De La Salle University alumna na nauna na umanong nag-file si dating sports official Monsour Del Rosario ng petisyon para i-convert ito sa pagiging Filipino citizen noong 17th Congress, ngunit natabunan na raw ito dahil sa balasahan sa speakership.
Gayunman, sinabi ni Aguilar na nagpasa raw umano ulit ng panibagong petisyon si TGP Party-list Jose “Bong” Teves Jr. sa 18th congress, habang inindorso raw ito ni 8-division world champion at Senator Manny “Pacman” Pacquiao sa Senado. Nakatakdang sumabak si Dmitriev at ilang miyembro ng national team sa 2019 Senior World Wrestling Championships sa Daulet Arena sa Astana, Kazakhstan sa Set. 14-22 na magsisilbing unang qualifying tournament para sa 2020 Tokyo Olympics. “Kapag nanalo siya roon (Olympic qualifier) lalaro na siya sa Olympics, hopefully bitbit na niya ang bandila ng Pilipinas ng mga panahong iyon (Olympics).”





Comments