UAAP: UP, tinalo ang FEU; 1st win, sinakmal ng UST


BIGO mang mapanatili ang mainit nilang panimula, nagawa ng University of the Philippines na makalusot sa makapigil-hiningang hamon ng Far Eastern University Tamaraws upang maiposte ang 61-55 na panalo. Tabla ang iskor sa 55-all, umiskor si reigning Most Valuable Player Bright Akhuetie sa pamamagitan ng isang sky hook upang ibalik ang lamang sa Maroons bago sinelyuhan ng apat na freethrows ni Jun Manzo ang panalo, may 10.6 segundo pang nalalabi.
Nagtapos na topscorer para sa Maroons si Javi Gomez de Liano na may 22 puntos, 6 rebounds, at 3 assists. Hindi nakalaro sa UP si Kobe Paras dahil sa iniindang ankle injury habang tumapos na may 7 puntos si Ricci Rivero. Sa unang laban, nakamit ng University of Santo Tomas ang unang tagumpay makaraang pataubin ang University of East, 95-82. Natambakan pa ng Growling Tigers ang Red Warriors ng hanggang 23 puntos sa bungad ng 4th period ngunit nakuha pa itong ibaba sa sampu ng UE sa pamumuno ni Rookie Harvey Pagsanjan, 80-90 sa loob ng huling dalawang minuto ng laro.
Ngunit di nagpatinag ang Tigers at mabilis na itinaas ang lamang sa 93-80 kasunod ng pagpukol ng dating Tiger Cubs Mark Nonoy ng isang tres. Hindi na nakaporma pa ulit ang Red Warriors na ginabayan ng anak ng kanilang school owner na si Lucio Tan na si Bong Tan Jr. bilang coach kapalit ng nagbitiw nilang coach na si Joe Silva noon lang nakaraang Lunes.
Namuno para sa naging buwenamanong panalo ng UST si transferee Rhenz Abando na kumamada ng 22 puntos na kinabibilangan ng 5 triples, kasunod si Beninese slotman Soulemane Chabi Yo na nagposte ng 19-puntos at 12-rebounds at dating De La Salle player Brent Paraiso na may 10 puntos. (VA)





Comments