top of page
Kris Aquino C.H.I.K.A. - NETFLIX

Sweep 7th win, target ng cool smashers sa PVL

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 4, 2019
  • 1 min read

MAKALAPIT sa tangkang first round sweep ang sisikapin ng defending champion Creamline sa pagsalang nila kontra sa Pacific Town Army ngayong hapon sa pagpapatuloy ng PVL Season 3 Open Conference sa FilOil Flying V Center sa San Juan.

Solong namumuno taglay ang malinis na kartadang 6-0 ng 4 p.m. pupuntiryahin ng Cool Smashers na maangkin ang ika-7 sunod na tagumpay sa tapatan nila ng Lady Troopers na magsisikap na makaahon sa kinasadlakang dalawang sunod na kabiguan na nagbaba sa kanila sa ikalimang posisyon hawak ang barahang 2-2, panalo-talo.

Una rito, magtutunggali sa pambungad na laro ng 2 p.m. ang pumapangatlong Banko Perlas at ang nag-iinit na koponan ng Balipure.

Kapapasok pa lang muli ng Perlas Spikers sa winner’s circle matapos ang straight sets nilang paggapi sa Chef’s Classic noong Agosto 25 habang nagposte ng dalawang sunod na panalo ang Purest Water Defenders matapos matalo sa unang tatlo nilang laban, pinakahuli kontra din sa Chef’s Classic (3-1) noong Agosto 31.

Sa huling laban, hangad ng PetroGazz ang ikatlong sunod na panalo sa salpukan nila ng Choco Mucho ng 6 p.m.

Pagkaraang sumadsad sa ikalawang pagkakataon ngayong conference sa kamay ng Cool Smashers noong Agosto 24, nagtala ang Angels ng dalawang sunod na panalo, pinakahuli noong nakaraang Linggo-Setyembre 1 kontra Air Force (3-0) na nag-angat sa kanila sa ika-4 na puwesto taglay ang markang 3-2, kasunod ng Perlas Spikers (4-2). (VA)

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page