Ravena, Nieto at Kouame, bibida vs. falcons
- BULGAR

- Sep 4, 2019
- 2 min read

NAKATAKDANG simulan ng reigning back-to-back titlist Ateneo de Manila ang 3-peat bid sa pagsalang ngayon sa unang araw ng UAAP Season 82 Men’s Basketball Tournament sa Araneta Coliseum.
Sasagupain ng Blue Eagles ng 4 p.m. ang Adamson University Soaring Falcons kasunod ng unang dalawang laban sa triple header.
Sa nakaraang season launch noong Linggo, ang Falcons ayon kay Ateneo coach Tab Baldwin ang paborito upang kontrahin ang ginawang pahayag ng kanilang mga katunggali na ang Blue Eagles pa rin ang “team to beat” ngayong taon.
Umaatikabong laban ang matutunghayan sa pagitan ng dalawang koponan ngayong opening day dahil sisikapin ng Falcons na ulitin ang 74-70 na pag-api sa Blue Eagles sa first round ng nakaraang season.
Muling sasandal ang Blue Eagles para manguna sa title retention bid kina 2-time Finals MVP Thirdy Ravena, ang kambal na sina Matt at Mike Nieto at Ivorian center na si Angelo Kouame.Aantabayanan ang posibleng panggulat nina veteran hotshot Jerrick Ahanmisi, Jerome Lastimosa, ang bagong sentrong si Congolese na si Lenda Couanga at team captain Simon Camacho.
Sa unang salpukan, maghaharap ng 10:30 a.m. ang UST at UE na susundan ng tapatang FEU at ng isa pang matunog na contender UP ng 12:30 p.m.
Sa pamumuno nina skipper Philip Manalang, mga bagong recruits na sina dating JRU hotshot Jed Mendoza, dating 2-time Cesafi MVP Rey Suerte at Senegalese big man Adama Dikahite sisikaping makaahon mula sa nakadidismayang 1-13 panalo-talong rekord nila noong 2018 ang Red Warriors.
Sa Tigers, pinaniniwalaan ni coach Aldin Ayo na ang kasalukuyang roster ang magbabalik sa UST bilang isa sa contenders.Positibo si Ayo na ibabalik ng kasalukuyang roster sa dating pedestal ang Tigers dahil na rin sa mahuhusay na bagong recruits na sina Rhenz Abando, Beninese slotman Souñemane Chabi Yo, dating DLSU Brent Paraiso, dating Tiger Cub standout Mark Nonoy at Mapua Red Robin Sherwin Concepcion maliban sa nagbabalik mula sa injury na si CJ Cansino.
Susubukan ang tibay ng pinalakas ding koponan ng UP sa paghaharap nila ng FEU na nalagay sa alanganin matapos ideklarang in-eligible ang nakuhang bagong Nigerian center.
Kahit nawala ang lider na si Paul Desiderio, may nadagdag na dalawang magagaling na players sa UP upang makatulong nina Jun Manzo, magkapatid na Juan at Javi Gomez de Liaño at Season 81 MVP Bright Akhuettie sa katauhan nina dating La Salle ace Ricci Rivero at Kobe Paras.
Ang mga beteranong sina Inno Comboy, Barkley Eboña, skipper Ken Tuffin at Hubert Cani ang inaasahang mangunguna sa kampanya ng Tamaraws. Sa women’s division, magsisimula na ang kompetisyon sa mga laro ng UST Tigresses kontra UE Lady Warriors at ng FEU Lady Tamaraws at UP Lady Maroons na kapwa sisimulan ng 8 a.m. sa magkahiwalay na venue. (VA)





Comments